Mga Gawa. Chapter 2
1 At nang dumating nga ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nangagkakatipon sa isang dako.
2 At biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng sa isang humahagibis na hanging malakas, at pinuno ang buong bahay na kanilang kinauupuan.
3 At sa kanila'y may napakitang mga dilang kawangis ng apoy, na nagkabahabahagi; at dumapo sa bawa't isa sa kanila.
4 At silang lahat ay nangapuspos ng Espiritu Santo, at nangagpasimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkakaloob ng Espiritu na kanilang salitain.
5 May mga nagsisitahan nga sa Jerusalem na mga Judio, mga lalaking religioso, na buhat sa bawa't bansa sa ilalim ng langit.
6 At nang marinig ang ugong na ito, ay nangagkatipon ang karamihan, at nangamaang, sapagka't sa kanila'y narinig ng bawa't isa na sinasalita ang kaniyang sariling wika.
7 At silang lahat ay nangagtaka at nagsipanggilalas, na nangagsasabi, Narito, hindi baga mga Galileong lahat ang mga nagsisipagsalitang ito?
8 At bakit nga naririnig ng bawa't isa sa atin, ang ating sariling wikang kinamulatan?
9 Tayong mga Parto, at mga Medo, at mga Elamita, at ang nangananahan sa Mesapotamia, sa Judea, at sa Capadocia, sa Ponto at sa Asia,
10 Sa Frigia at Pamfilia, sa Egipto at sa mga sakop ng Libia na karatig ng Cirene at mga nakikipamayang galing sa Roma, mga Judio, at gayon din ang mga naging Judio,
11 Mga Cretense at mga Arabe, ay nangaririnig nating nagsisipagsalita sila sa ating mga wika ng mga makapangyarihang gawa ng Dios.
12 At silang lahat ay nangagtaka at nangalito, na sinasabi ng isa sa isa, Anong kahulugan nito?
13 Datapuwa't ang mga iba'y nanganglilibak na nangagsabi, Sila'y puno ng bagong alak.
14 Datapuwa't pagtindig ni Pedro na kasama ang labingisa, ay itinaas ang kaniyang tinig, at sa kanila'y nagsaysay, na sinasabing, Kayong mga lalaking taga Judea, at kayong lahat na nangananahan sa Jerusalem, mangaalaman nawa ninyong lahat ito, at inyong pakinggan ang aking mga salita.
15 Sapagka't ang mga ito'y hindi mga lasing, na gaya ng inyong inaakala; yamang ngayo'y oras na ikatlo lamang ng araw;
16 Datapuwa't ito'y yaong sinalita na sa pamamagitan ng propeta Joel:
17 At mangyayari sa mga huling araw, sabi ng Dios, Na ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman: At ang inyong mga anak na lalake at babae ay manganghuhula, At ang inyong mga binata ay mangakakakita ng mga pangitain, Ang inyong mga matatanda ay magsisipanaginip ng mga panaginip:
18 Oo't sa aking mga lingkod na lalake at sa aking mga lingkod na babae, sa mga araw na yaon Ibubuhos ko ang aking Espiritu; at magsisipanghula sila.
19 At magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit sa itaas, At mga tanda sa lupa sa ibaba, Dugo, at apoy, at singaw ng usok:
20 Ang araw ay magiging kadiliman, At ang buwan ay dugo, Bago dumating ang araw ng Panginoon, Yaong araw na dakila at tangi:
21 At mangyayari na ang sinomang tumawag sa pangalan ng Panginoon, ay maliligtas.
22 Kayong mga lalaking taga Israel, pakinggan ninyo ang mga salitang ito: Si Jesus na taga Nazaret, lalaking pinatunayan ng Dios sa inyo sa pamamagitan ng mga gawang makapangyarihan at mga kababalaghan at mga tanda na ginawa ng Dios sa pamamagitan niya sa gitna ninyo, gaya rin ng nalalaman ninyo;
23 Siya, na ibinigay sa takdang pasiya at paunang kaalaman ng Dios, kayo sa pamamagitan ng mga kamay ng mga tampalasan ay inyong ipinako sa krus at pinatay:
24 Na siya'y binuhay na maguli ng Dios, pagkaalis sa mga hirap ng kamatayan: sapagka't hindi maaari na siya'y mapigilan nito.
25 Sapagka't sinasabi ni David tungkol sa kaniya, Nakita kong lagi ang Panginoon sa aking harapan; Sapagka't siya'y nasa aking kanang kamay, upang huwag akong makilos:
26 Dahil dito'y nagalak ang aking puso, at natuwa ang aking dila; Pati naman ang aking laman ay mananahan sa pagasa:
27 Sapagka't hindi mo iiwan ang kaluluwa ko sa Hades, Ni titiisin man na ang iyong Banal ay makakita ng kabulukan.
28 Ipinakilala mo sa akin ang mga daan ng buhay; Pupuspusin mo ako ng kagalakan sa harap ng iyong mukha.
29 Mga kapatid, malayang masasabi ko sa inyo ang tungkol sa patriarkang si David, na siya'y namatay at inilibing, at nasa atin ang kaniyang libingan hanggang sa araw na ito.
30 Palibhasa nga'y isang propeta, at sa pagkaalam na may panunumpang isinumpa ng Dios sa kaniya, na sa bunga ng kaniyang baywang ay iluluklok niya ang isa sa kaniyang luklukan;
31 Palibhasa'y nakikita na niya ito, ay nagsalita tungkol sa pagkabuhay na maguli ng Cristo, na siya'y hindi pinabayaan sa Hades, ni ang kaniya mang katawan ay hindi nakakita ng kabulukan.
32 Ang Jesus na ito'y binuhay na maguli ng Dios, at tungkol dito'y mga saksi kaming lahat.
33 Palibhasa nga'y pinarangal ng kanang kamay ng Dios, at tinanggap na sa Ama ang pangako ng Espiritu Santo, ay ibinuhos niya ito, na inyong nakikita at naririnig.
34 Sapagka't hindi umakyat si David sa mga langit; datapuwa't siya rin ang nagsabi, Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon; Maupo ka sa kanan ko,
35 Hanggang sa gawin ko ang mga kaaway mo na tuntungan ng iyong mga paa.
36 Pakatalastasin nga ng buong angkan ni Israel, na ginawa ng Dios na Panginoon at Cristo itong si Jesus na inyong ipinako sa krus.
37 Nang marinig nga nila ito, ay nangasaktan ang kanilang puso, at sinabi kay Pedro at sa ibang mga apostol, Mga kapatid, anong gagawin namin?
38 At sinabi sa kanila ni Pedro, Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa't isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.
39 Sapagka't sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Dios sa kaniya.
40 At sa iba pang maraming salita ay nagpatotoo siya, at nangaral sa kanila, na sinasabi, Magsiligtas kayo sa likong lahing ito.
41 Yaon ngang nagsitanggap ng kaniyang salita ay nangabautismuhan: at nangaparagdag sa kanila nang araw na yaon ang may tatlong libong kaluluwa.
42 At sila'y nagsipanatiling matibay sa turo ng mga apostol at sa pagsasamasama, sa pagpuputolputol ng tinapay at sa mga pananalangin.
43 At ang takot ay dumating sa bawa't kaluluwa: at ginawa ang maraming kababalaghan at tanda sa pamamagitan ng mga apostol.
44 At ang lahat ng mga nagsisampalataya ay nangagkakatipon, at lahat nilang pag-aari ay sa kalahatan;
45 At ipinagbili nila ang kanilang mga pag-aari at kayamanan, at ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawa't isa.
46 At araw-araw sila'y nagsisipanatiling matibay sa pagkakaisa sa templo, at sa pagpuputolputol ng tinapay sa bahay-bahay, at nagsisikain sila ng kanilang pagkain na may galak at may katapatan ng puso.
47 Na nangagpupuri sa Dios, at nangagtatamo ng paglingap ng buong bayan. At idinaragdag sa kanila ng Panginoon araw-araw yaong nangaliligtas.