Mga Taga-Colosas. Chapter 4
1 Mga panginoon, gawin ninyo sa inyong mga alipin ang matuwid, at katampatan; yamang nalalaman ninyo na kayo naman ay mayroong ding isang Panginoon sa langit.
2 Manatili kayong palagi sa pananalangin, na kayo'y mangagpuyat na may pagpapasalamat;
3 Na tuloy idalangin din ninyo kami, na buksan sa amin ng Dios ang pinto sa salita, upang aming salitain ang hiwaga ni Cristo, na dahil din dito'y may mga tanikala ako;
4 Upang ito'y aking maihayag, gaya ng aking nararapat na salitain.
5 Magsilakad kayo na may karunungan sa nangasa labas, na inyong samantalahin ang panahon.
6 Ang inyong pananalita nawa'y laging may biyaya, na magkalasang asin, upang inyong maalaman kung ano ang nararapat ninyong isagot sa bawa't isa.
7 Ang lahat na mga bagay ukol sa akin ay ipatatalastas sa inyo ni Tiquico, na minamahal na kapatid at tapat na ministro, at kasamang lingkod sa Panginoon:
8 Na siyang aking sinugo sa inyo sa bagay na ito, upang maalaman ninyo ang aming kalagayan, at upang kaniyang aliwin ang inyong mga puso;
9 Na kasama ni Onesimo, tapat at minamahal na kapatid, na siya'y isa sa inyo. Sila ang magpapatalastas sa inyo ng lahat ng mga bagay na nangyayari dini.
10 Binabati kayo ni Aristarco na kasama ko sa bilangguan, at ni Marcos na pinsan ni Bernabe (tungkol sa kaniya'y tinanggap na ninyo ang mga utos: kung paririyan siya sa inyo, ay inyong tanggapin),
11 At si Jesus na tinatawag na Justo, na pawang sa pagtutuli: ang mga ito lamang ang aking kamanggagawa sa kaharian ng Dios, mga taong naging kaaliwan ko.
12 Binabati kayo ni Epafras, na isa sa inyo, na lingkod ni Cristo Jesus, na siyang laging nagsisikap dahil sa inyo sa kaniyang pananalangin, upang kayo'y magsitatag na mga sakdal at lubos na tiwasay sa lahat na kalooban ng Dios.
13 Sapagka't siya'y binibigyan kong patotoo na siya'y totoong nagpapagal sa inyo, at sa nangasa Laodicea, at sa nangasa Hierapolis.
14 Binabati kayo ni Lucas, ang minamahal na manggagamot, at ni Demas.
15 Batiin ninyo ang mga kapatid na nangasa Laodicea, at si Nimfas, at ang iglesiang nasa kanilang bahay.
16 At pagkabasa ng sulat na ito sa inyo, ay ipabasa naman ninyo sa iglesia ng mga taga Laodicea; at basahin naman ninyo ang sulat na mula sa Laodicea.
17 At sabihin ninyo kay Arquipo, Ingatan mong tuparin ang ministerio na tinanggap mo sa Panginoon.
18 Ang bating sinulat ng aking sariling kamay, akong si Pablo. Alalahanin ninyo ang aking mga tanikala. Ang biyaya'y sumasainyo nawa.