Mga Taga-Efeso
1 Si Pablo, na apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, sa mga banal na nangasa Efeso, at sa mga tapat kay Cristo Jesus:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo.
3 Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, na siyang nagpala sa atin ng bawa't pagpapalang ukol sa espiritu sa sangkalangitan kay Cristo:
4 Ayon sa pagkapili niya sa atin sa kaniya bago itinatag ang sanglibutan, upang tayo'y maging mga banal at mga walang dungis sa harapan niya sa pagibig:
5 Na tayo'y itinalaga niya nang una pa sa pagkukupkop na tulad sa mga anak sa pamamagitan ni Jesucristo sa ganang kaniya, ayon sa minagaling ng kaniyang kalooban,
6 Sa ikapupuri ng kaluwalhatian ng kaniyang biyaya, na sa atin ay ipinagkaloob na masagana sa Minamahal:
7 Na sa kaniya'y mayroon tayo ng ating katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang biyaya,
8 Na pinasagana niya sa atin, sa buong karunungan at katalinuhan,
9 Na ipinakikilala niya sa atin ang hiwaga ng kaniyang kalooban, ayon sa kaniyang minagaling na ipinasiya niya sa kaniya rin.
10 Sa pagiging katiwala sa kaganapan ng mga panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nangasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa; sa kaniya, sinasabi ko,
11 Tayo rin naman sa kaniya ay ginawang mana, na itinalaga na niya tayo nang una pa ayon sa pasiya niyaong gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa pasiya ng kaniyang kalooban;
12 Upang tayo'y maging kapurihan ng kaniyang kaluwalhatian, tayong nagsiasa nang una kay Cristo:
13 Na sa kaniya'y kayo rin naman, pagkarinig ng aral ng katotohanan, ng evangelio ng inyong kaligtasan, na sa kaniya rin naman, mula nang kayo'y magsisampalataya, ay kayo'y tinatakan ng Espiritu Santo, na ipinangako,
14 Na siyang patotoo sa ating mana, hanggang sa ikatutubos ng sariling pag-aari ng Dios, sa ikapupuri ng kaniyang kaluwalhatian.
15 Dahil dito ako rin naman, pagkarinig ng pananampalataya sa Panginoong Jesus na nasa inyo, at ng pagibig na inyong ipinakita sa lahat ng mga banal,
16 Ay hindi ako tumitigil ng pagpapasalamat dahil sa inyo, na aking binabanggit kayo sa aking mga panalangin;
17 Upang ipagkaloob sa inyo ng Dios ng ating Panginoong Jesucristo, ng Ama ng kaluwalhatian, ang espiritu ng karunungan at ng pahayag sa pagkakilala sa kaniya;
18 Yamang naliwanagan ang mga mata ng inyong puso, upang maalaman ninyo kung ano ang pagasa sa kaniyang pagtawag, kung ano ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng kaniyang pamana sa mga banal,
19 At kung ano ang dakilang kalakhan ng kaniyang kapangyarihan sa ating nagsisisampalataya, ayon sa gawa ng kapangyarihan ng kaniyang lakas,
20 Na kaniyang ginawa kay Cristo, nang ito'y kaniyang buhaying maguli sa mga patay, at pinaupo sa kaniyang kanan sa sangkalangitan,
21 Sa kaibaibabawan ng lahat na pamunuan, at kapamahalaan, at kapangyarihan, at pagkasakop, at sa bawa't pangalan na ipinangungusap, hindi lamang sa sanglibutang ito, kundi naman sa darating:
22 At ang lahat ng mga bagay ay pinasuko niya sa ilalim ng kaniyang mga paa, at siyang pinagkaloobang maging pangulo ng lahat ng mga bagay sa iglesia,
23 Na siyang katawan niya, na kapuspusan niyaong pumupuspos ng lahat sa lahat.