Exodo. Chapter 17
1 At ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa ilang ng Sin, sa kanilang paglalakbay ayon sa utos ng Panginoon, at humantong sa Rephidim: at walang tubig na mainom ang bayan.
2 Kaya't ang bayan ay nakipagtalo kay Moises, at nagsabi, Bigyan mo kami ng tubig na aming mainom. At sinabi ni Moises sa kanila, Bakit kayo nakikipagtalo sa akin? bakit ninyo tinutukso ang Panginoon?
3 At ang bayan ay nauhaw at inupasala ng bayan si Moises, at sinabi, Bakit mo kami isinampa rito mula sa Egipto, upang patayin mo kami sa uhaw, at ang aming mga anak, at ang aming kawan?
4 At si Moises ay dumaing sa Panginoon, na nagsasabi, Anong aking gagawin sa bayang ito? kulang na lamang batuhin nila ako.
5 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Dumaan ka sa harap ng bayan, at ipagsama mo ang mga matanda sa Israel; at ang iyong tungkod na iyong ipinalo sa ilog, ay tangnan mo sa iyong kamay, at yumaon ka.
6 Narito, ako'y tatayo sa harap mo roon sa ibabaw ng bato sa Horeb; at iyong papaluin ang bato, at lalabasan ng tubig, upang ang bayan ay makainom. At gayon ginawa ni Moises sa paningin ng mga matanda sa Israel.
7 At tinawag nila ang pangalan ng dakong yaon, na Massah at Meribah, dahil sa pakikipagtalo ng mga anak ni Israel, at dahil sa kanilang tinukso ang Panginoon, na kanilang sinasabi, Ang Panginoon ba'y nasa gitna natin o wala?
8 Nang magkagayo'y dumating si Amalec, at nakipaglaban sa Israel sa Rephidim.
9 At sinabi ni Moises kay Josue, Ipili mo tayo ng mga lalake, at ikaw ay lumabas, lumaban ka kay Amalec; bukas ay tatayo ako sa taluktok ng burol, na aking tangan ang tungkod ng Dios sa aking kamay.
10 Gayon ginawa ni Josue, gaya ng sinabi ni Moises sa kaniya, at lumaban kay Amalec: at si Moises, si Aaron at si Hur ay sumampa sa taluktok ng burol.
11 At nangyari, pagka itinataas ni Moises ang kaniyang kamay, ay nananaig ang Israel: at pagka kaniyang ibinababa ang kaniyang kamay, ay nananaig si Amalec.
12 Datapuwa't ang mga kamay ni Moises ay nangalay; at sila'y kumuha ng isang bato, at inilagay sa ibaba, at kaniyang inupuan; at inalalayan ni Aaron at ni Hur ang kaniyang mga kamay, ang isa'y sa isang dako, at ang isa'y sa kabilang dako; at ang kaniyang mga kamay ay nalagi sa itaas hanggang sa paglubog ng araw.
13 At nilito ni Josue si Amalec, at ang kaniyang bayan, sa pamamagitan ng talim ng tabak.
14 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Isulat mo ito na pinakaalaala sa isang aklat, at ipagbigay alam mo kay Josue na aking ipalilimot ang pagalaala kay Amalec sa silong ng langit.
15 At nagtayo si Moises ng isang dambana, at pinanganlang Jehovanissi.
16 At kaniyang sinabi, Isinumpa ng Panginoon: ang Panginoon ay makikipagdigma kay Amalec sa buong panahon ng lahi nito.