Exodo. Chapter 16
1 At sila'y naglakbay mula sa Elim, at ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel ay dumating sa ilang ng Sin, na nasa pagitan ng Elim at Sinai, nang ikalabing limang araw ng ikalawang buwan, pagkatapos na sila'y makaalis sa lupain ng Egipto.
2 At inupasala ng buong kapisanan ng mga anak ni Israel si Moises at si Aaron sa ilang:
3 At sinabi sa kanila ng mga anak ni Israel, Namatay na sana kami sa pamamagitan ng kamay ng Panginoon sa lupain ng Egipto, nang kami ay nauupo sa tabi ng mga palyok ng karne, nang kami ay kumakain ng tinapay hanggang sa mabusog; sapagka't kami ay inyong dinala sa ilang na ito, upang patayin ng gutom ang buong kapisanang ito.
4 Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon kay Moises, Narito, kayo'y aking pauulanan ng pagkain mula sa langit; at lalabasin at pupulutin ng bayan araw-araw ang bahagi sa bawa't araw; upang aking masubok sila, kung sila'y lalakad ng ayon sa aking kautusan, o hindi.
5 At mangyayari sa ikaanim na araw, na sila'y maghahanda ng kanilang dala, na ibayo ng kanilang pinupulot sa araw-araw.
6 At sinabi ni Moises at ni Aaron sa lahat ng mga anak ni Israel, Sa kinahapunan, ay inyong malalaman, na ang Panginoon ay siyang naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto.
7 At sa kinaumagahan, ay inyo ngang makikita ang kaluwalhatian ng Panginoon; sapagka't kaniyang naririnig ang inyong mga pagupasala laban sa Panginoon: at ano kami, na inyo kaming inuupasala?
8 At sinabi ni Moises, Ito'y mangyayari, pagbibigay ng Panginoon sa inyo sa kinahapunan ng karne na makakain, at sa kinaumagahan ng pagkain, na makabubusog; sapagka't naririnig ng Panginoon ang inyong mga pagupasala na inyong iniuupasala laban sa kaniya: at ano kami? ang inyong mga pagupasala ay hindi laban sa amin, kundi laban sa Panginoon.
9 At sinabi ni Moises kay Aaron, Sabihin mo sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, Lumapit kayo sa harap ng Panginoon; sapagka't kaniyang narinig ang inyong mga pagupasala.
10 At nangyari, pagkapagsalita ni Aaron sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, na sila'y tumingin sa dakong ilang, at, narito, ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa ulap.
11 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,
12 Aking narinig ang mga pagupasala ng mga anak ni Israel: salitain mo sa kanila, na iyong sasabihin, Sa kinahapunan ay kakain kayo ng karne, at sa kinaumagahan, ay magpapakabusog kayo ng tinapay; at inyong makikilala na ako ang Panginoon ninyong Dios.
13 At nangyari sa kinahapunan na ang mga pugo ay nagsiahon at tinakpan ang kampamento at sa kinaumagahan, ay nalalatag sa palibot ng kampamento ang hamog.
14 At nang paitaas na ang hamog na nalalatag na, narito, sa balat ng ilang ay may munting bagay na mabilog at munti na gaya ng namuong hamog sa ibabaw ng lupa.
15 At nang makita ng mga anak ni Israel, ay nagsangusapan, Ano ito? sapagka't hindi nila nalalaman kung ano yaon. At sinabi ni Moises sa kanila, Ito ang pagkain na ibinigay ng Panginoon sa inyo upang kanin.
16 Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon, Pumulot ang bawa't tao ayon sa kaniyang kain; isang omer sa bawa't ulo, ayon sa bilang ng inyong mga tao, ang kukunin ng bawa't tao para sa mga nasa kaniyang tolda.
17 At gayon ginawa ng mga anak ni Israel, at may namulot ng marami, at may kaunti.
18 At nang timbangin sa omer, ang namulot ng marami ay walang higit, at ang namulot ng kaunti ay hindi nagkulang; bawa't tao ay pumulot ng ayon sa kaniyang kain.
19 At sinabi ni Moises sa kanila, Huwag magtira niyaon ang sinoman ng hanggang sa umaga.
20 Gayon ma'y hindi sila nakinig kay Moises; kungdi ang iba sa kanila ay nagtira niyaon hanggang sa umaga, at inuod at bumaho; at naginit sa kanila si Moises.
21 At sila'y namumulot tuwing umaga, bawa't tao ayon sa kaniyang kain: at pagka ang araw ay umiinit na, ay natutunaw.
22 At nangyari, na nang ikaanim na araw, ay pumulot sila ng pagkain na ibayo ang dami, dalawang omer sa bawa't isa: at lahat ng puno sa kapisanan ay naparoon at nagsaysay kay Moises.
23 At kaniyang sinabi sa kanila, Ito ang sinalita ng Panginoon, Bukas ay takdang kapahingahan, banal na sabbath sa Panginoon: ihawin ninyo ang inyong iihawin, at lutuin ninyo ang inyong lulutuin; at lahat na lalabis ay itago ninyo sa ganang inyo, na inyong itira hanggang sa kinabukasan.
24 At kanilang itinago hanggang sa kinaumagahan, gaya ng iniutos ni Moises: at hindi bumaho, ni nagkaroon ng anomang uod.
25 At sinabi ni Moises, Kanin ninyo yaon ngayon; sapagka't ngayo'y sabbath na ipinangingilin sa Panginoon: ngayo'y hindi kayo makakasumpong sa parang.
26 Anim na araw na inyong pupulutin; datapuwa't sa ikapitong araw ay sabbath, hindi magkakaroon.
27 At nangyari sa ikapitong araw, na lumabas ang iba sa bayan upang mamulot, at walang nasumpungan.
28 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Hanggang kailan tatanggihan ninyo ganapin ang aking mga utos at ang aking mga kautusan?
29 Tingnan ninyo, na sapagka't ibinigay ng Panginoon sa inyo ang sabbath, kung kaya't kaniyang ibinibigay sa inyo sa ikaanim na araw ang pagkain ng sa dalawang araw; matira ang bawa't tao sa kaniyang kinaroroonan, huwag umalis ang sinoman sa kaniyang kinaroroonan, sa ikapitong araw.
30 Kaya ang bayan ay nagpahinga sa ikapitong araw.
31 At yao'y pinanganlan ng sangbahayan ng Israel na Mana: at kaparis ng buto ng kulantro, maputi; at ang lasa niyaon ay kasinglasa ng manipis na tinapay na may pulot.
32 At sinabi ni Moises, Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon, Punuin ninyo ang isang omer ng mana, na inyong ingatan sa buong panahon ng inyong mga lahi; upang kanilang makita ang pagkain, na aking ipinakain sa inyo sa ilang nang kayo'y aking ilabas sa lupain ng Egipto.
33 At sinabi ni Moises kay Aaron, Kumuha ka ng isang palyok at sidlan mo ng isang omer na puno ng mana, at ilagay mo sa harap ng Panginoon, upang maingatan sa buong panahon ng inyong mga lahi.
34 Kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises, ay gayon inilagay ni Aaron sa harap ng Patotoo upang ingatan.
35 At ang mga anak ni Israel ay kumain ng mana na apat na pung taon, hanggang sa sila'y dumating sa lupaing tinatahanan; sila'y kumain ng mana hanggang sa sila'y dumating sa mga hangganan ng lupain ng Canaan.
36 Ang isang omer nga ay ikasangpung bahagi ng isang efa.