Exodo. Chapter 10
1 At sinabi ng Panginoon kay Moises: Pasukin mo si Faraon, sapagka't aking pinapagmatigas ang kaniyang puso, at ang puso ng kaniyang mga lingkod; upang aking maipakilala itong aking mga tanda sa gitna nila:
2 At upang iyong maisaysay sa mga pakinig ng iyong anak, at sa anak ng iyong anak, kung anong mga bagay ang ginawa ko sa Egipto, at ang aking mga tandang ginawa sa gitna nila; upang inyong maalaman, na ako ang Panginoon.
3 At pinasok ni Moises at ni Aaron si Faraon at sinabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga Hebreo, Hanggang kailan tatanggi kang mangayupapa sa harap ko? payaunin mo ang aking bayan, upang ako'y mapaglingkuran nila.
4 O kung tatanggihan mong payaunin ang aking bayan, ay narito, bukas ay magdadala ako ng mga balang sa iyong hangganan:
5 At kanilang tatakpan ang ibabaw ng lupa, na walang makakakita ng ibabaw ng lupa: at kanilang kakanin ang naiwan sa nangaligtas, na itinira sa inyo ng granizo, at kanilang kakanin ang bawa't kahoy na itinutubo sa inyo ng parang:
6 At ang inyong mga bahay ay mapupuno, at ang mga bahay ng lahat mong lingkod, at ang mga bahay ng mga Egipcio: na hindi nakita ng inyong mga magulang, mula nang araw na sila'y mapasa lupa hanggang sa araw na ito. At siya'y pumihit at nilisan si Faraon.
7 At sinabi sa kaniya ng mga lingkod ni Faraon, Hanggang kailan magiging isang silo sa atin ang taong ito? payaunin mo ang mga taong iyan upang sila'y makapaglingkod sa Panginoon nilang Dios: hindi mo pa ba natatalastas, na ang Egipto'y giba na?
8 At si Moises at si Aaron ay pinapagbalik kay Faraon, at kaniyang sinabi sa kanila, Kayo'y yumaon, maglingkod kayo sa Panginoon ninyong Dios: datapuwa't sino sino yaong magsisiyaon?
9 At sinabi ni Moises: Kami ay yayaon sangpu ng aming mga bata at sangpu ng mga matanda, sangpu ng aming mga anak na lalake at babae, sangpu ng aming mga kawan at sangpu ng aming mga bakahan, kami ay yayaon; sapagka't kami ay nararapat magdiwang ng isang pista sa Panginoon.
10 At kaniyang sinabi sa kanila, Sumainyo nawa ang Panginoon, na gaya ng aking pagpapayaon sa inyo, at sa inyong mga bata: magingat kayo; sapagka't ang kasamaan ay nasa harap ninyo.
11 Huwag ganyan: yumaon kayong mga lalake, at maglingkod sa Panginoon; sapagka't iyan ang inyong ninanasa. At sila'y pinaalis sa harap ni Faraon.
12 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Iunat mo ang iyong kamay sa lupain ng Egipto, upang magdala ng mga balang, at bumaba sa lupain ng Egipto, at kumain ng lahat na halaman sa lupain, yaong lahat na iniwan ng granizo.
13 At iniunat ni Moises ang kaniyang tungkod sa lupain ng Egipto, at ang Panginoo'y nagpahihip ng hanging silanganan sa lupain ng buong araw na yaon, at ng buong gabi; at nang maumaga, ang hanging silanganan ay nagdala ng mga balang.
14 At ang mga balang ay bumaba sa buong lupain ng Egipto, at nagsipagpahinga sa lahat ng hangganan ng Egipto; totoong napakakapal; bago noon ay hindi nagkaroon ng gayong balang, at hindi na magkakaroon pa, pagkatapos noon, ng gayon.
15 Sapagka't tinakpan ng mga yaon ang balat ng buong lupa, na ano pa't ang lupain ay nagdilim; at kinain ang lahat na halaman sa lupain, at ang lahat na bunga ng mga kahoy na iniwan ng granizo; at walang natirang anomang sariwang bagay, maging sa punong kahoy o sa halaman sa parang, sa buong lupain ng Egipto.
16 Nang magkagayo'y tinawag na madali ni Faraon si Moises at si Aaron, at kaniyang sinabi, Ako'y nagkasala laban sa Panginoon ninyong Dios, at laban sa inyo.
17 Ngayon nga'y ipatawad mo, isinasamo ko sa iyo, ang aking kasalanan, na ngayon na lamang at idalangin ninyo sa Panginoon ninyong Dios, na kaniya lamang ilayo sa akin ang kamatayang ito.
18 At nilisan niya si Faraon, at nanalangin sa Panginoon.
19 At pinapagbalik ng Panginoon ang isang napakalakas na hanging kalunuran, na siyang nagpaitaas sa mga balang, at tumangay ng mga yaon sa Dagat na Mapula; walang natira kahit isang balang sa buong hangganan ng Egipto.
20 Datapuwa't pinapagmatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon, at hindi niya pinayaon ang mga anak ni Israel.
21 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Iunat mo ang iyong kamay sa dakong langit, upang magdilim sa lupain ng Egipto, ng kadiliman na mahihipo.
22 At iniunat ni Moises ang kaniyang kamay sa dakong langit; at nagsalimuutan ang dilim sa buong lupain ng Egipto, na tatlong araw;
23 Sila'y hindi nagkikita, at walang tumindig na sinoman sa kinaroroonan sa loob ng tatlong araw; kundi lahat ng mga anak ni Israel ay nagilaw sa kanikaniyang tahanan.
24 At tinawag ni Faraon si Moises, at sinabi, Yumaon kayo, maglingkod kayo sa Panginoon; inyo lamang iwan ang inyong mga kawan at ang inyong mga bakahan; isama rin naman ninyo ang inyong mga bata.
25 At sinabi ni Moises, ikaw ay nararapat ding magbigay sa aming kamay ng mga hain at mga handog na susunugin, upang aming maihain sa Panginoon naming Dios.
26 Ang aming hayop man ay yayaong kasama namin; wala kahit isang paa na maiiwan; sapagka't sa kanila kami nararapat kumuha ng aming ipaglilingkod sa Panginoon naming Dios; at hindi namin nalalaman kung ano ang aming nararapat ipaglingkod sa Panginoon, hanggang sa kami ay dumating doon.
27 Datapuwa't pinapagmatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon, at hindi niya pinayaon sila.
28 At sinabi ni Faraon sa kaniya, Umalis ka sa harap ko, iyong pagingatang huwag mo nang makitang muli ang aking mukha; sapagka't sa araw na iyong makita ang aking mukha ay mamamatay ka.
29 At sinabi ni Moises, Mabuti ang sabi mo, hindi ko na muling makikita ang iyong mukha.