Ezekiel. Chapter 26
1 At nangyari, nang ikalabing isang taon, nang unang araw ng buwan, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
2 Anak ng tao, sapagka't ang Tiro ay nagsabi laban sa Jerusalem, Aha, siya na naging pintuan ng mga bayan ay sira; siya'y nabalik sa akin: ako'y mapupuno ngayong siya'y sira:
3 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, ako'y laban sa iyo, Oh Tiro, at aking pasasampahin ang maraming bansa laban sa iyo, gaya ng pagpapasampa ng dagat ng kaniyang mga alon.
4 At kanilang gigibain ang mga kuta ng Tiro, at ibabagsak ang kaniyang mga moog: akin din namang papalisin sa kaniya ang kaniyang alabok, at gagawin ko siyang hubad na bato.
5 Siya'y magiging dakong ladlaran ng mga lambat sa gitna ng dagat: sapagka't ako ang nagsalita sabi ng Panginoong Dios; at siya'y magiging samsam sa mga bansa.
6 At ang kaniyang mga anak na babae na nangasa parang ay papatayin ng tabak: at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.
7 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, aking dadalhin sa Tiro si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, na hari ng mga hari, mula sa hilagaan, na may mga kabayo, at may mga karo, at may mga nangangabayo, at isang pulutong, at maraming tao.
8 Kaniyang papatayin ng tabak ang iyong mga anak na babae sa parang; at siya'y gagawa ng mga katibayan laban sa iyo, at magtitindig ng isang bunton laban sa iyo, at magtataas ng longki laban sa iyo.
9 At kaniyang ilalagay ang kaniyang mga pangsaksak laban sa iyong mga kuta, at sa pamamagitan ng kaniyang mga palakol ay kaniyang ibabagsak ang iyong mga moog.
10 Dahil sa kasaganaan ng kaniyang mga kabayo, tatakpan ka ng kaniyang alabok: ang iyong mga kuta ay uuga sa hugong ng mga mangangabayo, at ng mga kariton, at ng mga karo, pagka siya'y papasok sa iyong mga pintuang-bayan, na gaya ng pagpasok ng tao sa isang bayan na pinamutasan.
11 Tutungtungan ng mga paa ng kaniyang mga kabayo ang lahat mong mga lansangan; papatayin niya ng tabak ang iyong bayan; at ang mga haligi ng iyong lakas ay mabubuwal sa lupa.
12 At sila'y magsisisamsam ng iyong mga kayamanan, at lolooban ang iyong kalakal; at kanilang ibabagsak ang iyong mga kuta, at gigibain ang iyong mga masayang bahay; at ilalagay ang iyong mga bato, at ang iyong kahoy at ang iyong alabok sa gitna ng tubig.
13 At aking patitigilin ang tinig ng iyong mga awit; at ang tunog ng iyong mga alpa ay hindi na maririnig.
14 At gagawin kitang hubad na bato: ikaw ay magiging dakong ladlaran ng mga lambat; ikaw ay hindi na matatayo; sapagka't akong Panginoon ang nagsalita, sabi ng Panginoong Dios.
15 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios sa Tiro; Hindi baga mayayanig ang mga pulo sa tunog ng iyong pagbagsak, pagka ang nasugatan ay dumadaing, pagka may patayan sa gitna mo?
16 Kung magkagayo'y lahat na prinsipe sa dagat ay magsisibaba mula sa kanilang mga luklukan, at aalisin ang kanilang mga balabal, at huhubuin ang kanilang mga damit na may burda: sila'y dadatnan ng panginginig; sila'y magsisiupo sa lupa, at manginginig sa tuwituwina, at mangatitigilan sa iyo.
17 At pananaghuyan ka nila, at magsasabi sa iyo, Ano't nagiba ka, na tinatahanan ng mga taong dagat, na bantog na bayan na malakas sa dagat, siya at ang mga mananahan sa kaniya, na nagpapangilabot sa lahat na nagsisitahan sa kaniya!
18 Ang mga pulo nga ay mayayanig sa kaarawan ng iyong pagbagsak; oo, ang mga pulo na nangasa dagat ay manganglulupaypay sa iyong pagyaon.
19 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Pagka ikaw ay aking gagawing sirang bayan, na parang mga bayan na hindi tinatahanan, pagka tatabunan kita ng kalaliman, at tatakpan ka ng maraming tubig;
20 Ibababa nga kita na kasama nila na bumababa sa hukay, sa mga tao nang una, at patatahanin kita sa mga malalim na bahagi ng lupa, sa mga dakong sira nang una, na kasama ng nagsibaba sa hukay, upang ikaw ay huwag tahanan; at ako'y maglalagay ng kaluwalhatian sa lupain ng buhay.
21 Gagawin kitang kakilakilabot, at hindi ka na mabubuhay: bagaman ikaw ay hanapin ay hindi ka na masusumpungan pa uli, sabi ng Panginoong Dios.