Genesis. Chapter 42
1 Nabalitaan nga ni Jacob na may trigo sa Egipto, at sinabi ni Jacob sa kaniyang mga anak, Bakit kayo nangagtitinginan?
2 At kaniyang sinabi, Narito, aking narinig na may trigo sa Egipto: bumaba kayo roon, at bumili kayo roon ng sa ganang atin, upang tayo'y mabuhay at huwag mamatay.
3 At ang sangpung kapatid ni Jose ay bumaba, na bumili ng trigo sa Egipto.
4 Datapuwa't si Benjamin na kapatid ni Jose, ay hindi sinugo ni Jacob na kasama ng kaniyang mga kapatid; sapagka't aniya'y, Baka sakaling may mangyari sa kaniyang anomang kapahamakan.
5 At ang mga anak ni Israel ay nagsiparoong bumili, na kasalamuha ng nagsisiparoon: sapagka't nagkakagutom sa lupain ng Canaan.
6 At si Jose ang tagapamahala sa lupain; siya ang nagbibili ng trigo sa lahat ng mga tao sa lupain: at nagsidating ang mga kapatid ni Jose at nangagpatirapa sa kaniya, na ang kanilang mga mukha ay pasubasob.
7 At nakita ni Jose ang kaniyang mga kapatid, at kaniyang nangakilala, datapuwa't siya'y nagkunwaring iba sa kanila, at sila'y kinausap niya ng magilas; at sinabi sa kanila, Saan kayo nagsipanggaling? At sinabi nila, Sa lupain ng Canaan, upang bumili ng pagkain.
8 At nakilala ni Jose ang kaniyang mga kapatid, datapuwa't hindi nila siya nakilala.
9 At naalaala ni Jose ang mga panaginip na kaniyang napanaginip, tungkol sa kanila, at sa kanila'y sinabi, Kayo'y mga tiktik; upang tingnan ninyo ang kahubaran ng lupain kaya kayo naparito.
10 At kanilang sinabi sa kaniya, Hindi panginoon ko, kundi ang iyong mga lingkod ay nagsiparito upang bumili ng pagkain.
11 Kaming lahat ay anak ng isa lamang lalake; kami ay mga taong tapat, ang iyong mga lingkod ay hindi mga tiktik.
12 At kaniyang sinabi sa kanila, Hindi, kungdi upang tingnan ang kahubaran ng lupain kaya kayo naparito.
13 At kanilang sinabi, Kaming iyong mga lingkod ay labing dalawang magkakapatid, na mga anak ng isa lamang lalake sa lupain ng Canaan; at, narito, ang bunso ay nasa aming ama ngayon, at ang isa'y wala na.
14 At sinabi sa kanila ni Jose, Iyan ang sinasalita ko sa inyo, na aking sinasabi, Kayo'y mga tiktik;
15 Dito ko kayo susubukin: alangalang sa buhay ni Faraon ay hindi kayo aalis dito, malibang pumarito ang inyong kapatid na bunso.
16 Suguin ninyo ang isa sa inyo, na dalhin dito ang inyong kapatid, at kayo'y mangabibilanggo; upang masubok ang inyong mga salita, kung may katotohanan sa inyo: o kung hindi alangalang sa buhay ni Faraon, ay tunay na mga tiktik kayo.
17 At kaniyang inilagay silang lahat na magkakasama sa bilangguan na tatlong araw.
18 At sinabi ni Jose sa kanila sa ikatlong araw, Gawin ninyo ito at mangabuhay kayo; sapagka't natatakot ako sa Dios:
19 Kung kayo'y mga taong tapat, ay matira ang isa sa inyong magkakapatid na bilanggo sa bahay na pinagbilangguan sa inyo; datapuwa't kayo'y yumaon, magdala kayo ng trigo dahil sa kagutom sa inyong mga bahay:
20 At dalhin ninyo sa akin ang inyong kapatid na bunso; sa ganito'y matototohanan ang inyong mga salita, at hindi kayo mangamamatay. At kanilang ginawang gayon.
21 At sila'y nagsabisabihan, Katotohanang tayo'y salarin tungkol sa ating kapatid, sapagka't nakita natin ang kahapisan ng kaniyang kaluluwa, nang namamanhik sa atin, at hindi natin siya dininig; kaya't dumarating sa atin ang kahapisang ito.
22 At si Ruben ay sumagot sa kanila, na nagsasabi, Di ba nagsalita ako sa inyo, na aking sinasabi, Huwag kayong magkasala laban sa bata; at ayaw kayong makinig? kaya naman, narito, ang kaniyang dugo ay nagsasakdal.
23 At hindi nila nalalaman na sila'y pinakikinggan ni Jose; sapagka't may tagapagpaliwanag sa kanila.
24 At siya'y humiwalay sa kanila, at umiyak; at siya'y bumalik sa kanila, at sila'y kinausap at kinuha sa kanila si Simeon, at siya'y tinalian sa harap ng kanilang mga mata.
25 Nang magkagayo'y ipinagutos ni Jose na punuin ang kanilang mga bayong ng trigo, at ibalik ang salapi ng bawa't isa sa kanikaniyang bayong, at sila'y bigyan ng mababaon sa daan: at ginawa sa kanilang gayon.
26 At kanilang pinasanan ng trigo ang kanilang mga asno, at sila'y yumaon mula roon.
27 At pagbubukas ng isa ng kaniyang bayong upang bigyan ng pagkain ang kaniyang asno sa tuluyan, ay nakita niya ang kaniyang salapi; at, narito, nasa labi ng kaniyang bayong.
28 At sinabi niya sa kaniyang mga kapatid, Ang salapi ko ay nasauli; at, narito, nasa aking bayong: at kumutob ang kanilang puso; at nangagtinginan na nanganginginig, na nagsasabihan, Ano itong ginawa ng Dios sa atin?
29 At sila'y dumating kay Jacob na kanilang ama sa lupain ng Canaan, at isinaysay nila sa kaniya ang lahat na nangyari sa kanila; na sinasabi:
30 Ang lalaking panginoon sa lupaing yaon ay kinausap kami na magilas, at inari kaming mga tiktik sa lupain.
31 At aming sinabi sa kaniya, Kami ay mga taong tapat; hindi kami mga tiktik:
32 Kami ay labing dalawang magkakapatid, na mga anak ng aming ama; ang isa'y wala na, at ang bunso ay nasa aming ama ngayon sa lupain ng Canaan.
33 At sinabi sa amin ng lalaking yaon, ng panginoon sa lupain, Dito ko makikilala na kayo'y mga taong tapat: magiwan kayo sa akin ng isa sa inyong magkakapatid, at magsipagdala kayo ng trigo dahil sa kagutom sa inyong mga bahay, at kayo'y yumaon.
34 At dalhin ninyo rito sa akin ang inyong kapatid na bunso: kung gayo'y makikilala ko, na kayo'y hindi mga tiktik, kundi kayo'y mga taong tapat: sa ganito'y isasauli ko sa inyo ang inyong kapatid at kayo'y mangangalakal sa lupain.
35 At nangyari na pagaalis ng laman ng kanilang mga bayong, na, narito, sa bayong ng bawa't isa ay nakalagay ang balot ng kanikaniyang salapi: at nang makita nila at ng kanilang ama ang kanilang mga balot ng salapi, ay nangatakot.
36 At sinabi sa kanila ng kanilang amang si Jacob, Inalis na ninyo sa akin ang aking mga anak: si Jose ay wala, at si Simeon ay wala, at aalisin pa ninyo si Benjamin: lahat ng bagay na ito ay laban sa akin.
37 At nagsalita, si Ruben sa kaniyang ama, na sinasabi, Ipapatay mo ang aking dalawang anak kung siya'y hindi ko dalhin sa iyo; ibigay mo sa aking kamay, at siya'y aking ibabalik sa iyo.
38 At kaniyang sinabi, Hindi yayaon ang aking anak na kasama ninyo; sapagka't ang kaniyang kapatid ay patay na, at siya lamang ang natitira; kung mangyari sa kaniya ang anomang kapahamakan sa daan na inyong paroroonan, ay pabababain nga ninyo ang aking mga uban sa Sheol na may kapanglawan.