Isaias. Chapter 51
1 Kayo'y magsipakinig sa akin, kayong nagsisisunod sa katuwiran, kayong nagsisihanap sa Panginoon: magsitingin kayo sa malaking bato na inyong kinaputulan, at sa luwang ng hukay na kinahukayan sa inyo.
2 Tingnan ninyo si Abraham na inyong ama, at si Sara na nanganak sa inyo; sapagka't nang siya'y iisa ay tinawag ko siya, at aking pinagpala siya, at aking pinarami siya.
3 Sapagka't inaliw ng Panginoon ang Sion; kaniyang pinasaya ang lahat niyang sirang dako, at ginawa niyang parang Eden ang kaniyang ilang, at ang kaniyang lupang masukal ay parang halamanan ng Panginoon; kagalakan at kasayahan ay masusumpungan doon, pagpapasalamat, at tinig na mainam.
4 Makinig ka sa akin, Oh bayan ko; at pakinggan mo ako, Oh bansa ko: sapagka't isang kautusan ay magmumula sa akin, at ang aking kahatulan ay gagawin kong pinakaliwanag sa mga bayan.
5 Ang katuwiran ko ay malapit, ang aking pagliligtas ay lumabas, at hahatol ang aking mga bisig sa mga bayan; ang mga pulo ay magsisipaghintay sa akin, at sa aking bisig ay magsisitiwala sila.
6 Itingin ninyo ang inyong mga mata sa mga langit, at magsitungo kayo sa lupa sa ibaba; sapagka't ang mga langit ay mapapawing parang usok, at ang lupa ay malulumang parang bihisan; at silang nagsisitahan doon ay mangamamatay ng gayon ding paraan: nguni't ang pagliligtas ko ay magpakailan man, at ang aking katuwiran ay hindi mawawakasan.
7 Inyong pakinggan ako, ninyong nakakaalam ng katuwiran, bayan na ang puso ay kinaroonan ng aking kautusan; huwag ninyong katakutan ang pula ng mga tao, o manglupaypay man kayo sa kanilang mga paglait.
8 Sapagka't sila'y lalamunin ng tanga na parang bihisan, at kakanin sila ng uod na parang bihisan na balahibo ng tupa; nguni't ang aking katuwiran ay magiging magpakailan man, at ang aking pagliligtas ay sa lahat ng sali't saling lahi.
9 Gumising ka, gumising ka, magbihis ka ng kalakasan, Oh bisig ng Panginoon; gumising ka na gaya nang kaarawan noong una, nang mga lahi ng mga dating panahon. Hindi baga ikaw ang pumutol ng Rahab, na sumaksak sa buwaya?
10 Hindi baga ikaw ang tumuyo sa dagat, sa tubig ng malaking kalaliman; na iyong pinapaging daan ang kalaliman ng dagat upang daanan ng natubos?
11 At ang mga tinubos ng Panginoon ay magsisibalik, at magsisiparoong may awitan sa Sion; at walang hanggang kagalakan ay sasa kanilang mga ulo: sila'y mangagtatamo ng kasayahan at kagalakan; at ang kapanglawan at pagbubungtong-hininga ay tatakas.
12 Ako, ako nga, ay siyang umaaliw sa inyo: sino ka na natatakot sa tao na mamamatay at sa anak ng tao na gagawing parang damo;
13 At iyong kinalimutan ang Panginoon na May-lalang sa iyo, na nagladlad ng mga langit, at naglalagay ng mga patibayan ng lupa; at ikaw ay natatakot na lagi buong araw dahil sa pusok ng mamimighati, pagka siya'y nagmamadali upang gumiba? at saan nandoon ang pusok ng mamimighati?
14 Ang bihag na tapon ay madaling bibitawan; at hindi mamamatay at bababa sa hukay, o magkukulang man ang kaniyang tinapay.
15 Sapagka't ako ang Panginoon mong Dios, na nagpapahugong sa dagat, na ang mga alon niyao'y humuhugong: ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang kaniyang pangalan.
16 At inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig, at tinakpan kita sa lilim ng aking kamay, upang aking mailadlad ang mga langit, at mailagay ang mga patibayan ng lupa, at magsabi sa Sion, Ikaw ay aking bayan.
17 Gumising ka, gumising ka, tumayo ka, Oh Jerusalem, na uminom ka sa kamay ng Panginoon sa saro ng kaniyang kapusukan; iyong ininuman ang saro ng pangpagiray, at iyong sinaid.
18 Walang pumatnubay sa kaniya sa lahat na anak na kaniyang ipinanganak; o may humawak man sa kaniya sa kamay sa lahat na anak na kaniyang pinalaki.
19 Ang dalawang bagay na ito ay nangyari sa iyo; sinong makikidamdam sa iyo? kagibaan, at kasiraan, at ang kagutom at ang tabak; paanong aaliwin kita?
20 Ang iyong mga anak ay nanganglupaypay, sila'y nangahihiga sa dulo ng lahat na lansangan, na gaya ng isang usa sa isang silo; sila'y puspos ng kapusukan ng Panginoon, ng saway ng iyong Dios.
21 Kaya't pakinggan mo ito ngayon, ikaw na nagdadalamhati, at lango, nguni't hindi ng alak:
22 Ganito ang sabi ng iyong Panginoon na Jehova, at ng iyong Dios na nagsasanggalang ng usap ng kaniyang bayan, Narito, aking inalis sa iyong kamay ang saro na pangpagiray, ang saro nga ng aking kapusukan; hindi ka na iinom pa:
23 At aking ilalagay sa kamay nila na nagsisidalamhati sa iyo, na nakapagsabi sa iyong kaluluwa, Ikaw ay dumapa upang kami ay dumaan, at iyong inilagpak ang iyong likod na parang lupa, at parang lansangan sa kanilang nagdaraan.