Jeremias. Chapter 43
1 At nangyari, na nang si Jeremias ay makatapos ng pagsasalita sa buong bayan ng lahat ng mga salita ng Panginoon nilang Dios, na ipinasugo sa kaniya ng Panginoon nilang Dios sa kanila, sa makatuwid ang lahat ng mga salitang ito;
2 Nagsalita nga kay Jeremias si Azarias na anak ni Osaias, at si Johanan na anak ni Carea, at ang lahat na palalong lalake, na nangagsasabi, Ikaw ay nagsasalita ng kasinungalingan: hindi ka sinugo ng Panginoon nating Dios, na magsabi, Kayo'y huwag magsisiparoon sa Egipto na mangibang bayan doon;
3 Kundi hinikayat ka ni Baruch na anak ni Nerias laban sa amin, upang ibigay kami sa kamay ng mga Caldeo, upang maipapatay nila kami, at mangadala kaming bihag sa Babilonia.
4 Sa gayo'y si Johanan na anak ni Carea, at ang lahat na kapitan sa mga kawal, at ang buong bayan, ay hindi nagsitalima sa tinig ng Panginoon na tumahan sa lupain ng Juda.
5 Kundi kinuha ni Johanan na anak ni Carea, at ng lahat na kapitan sa mga kawal ang buong nalabi sa Juda na nagbalik na mula sa lahat ng mga bansa na pinagtabuyan nila na mangibang bayan sa lupain ng Juda;
6 Ang mga lalake, at ang mga babae, at ang mga bata, at ang mga anak na babae ng hari, at bawa't tao na naiwan ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay na kasama ni Gedalias na anak ni Ahicam, na anak ni Saphan, at si Jeremias na propeta, at si Baruch na anak ni Nerias:
7 At sila'y nagsipasok sa lupain ng Egipto; sapagka't hindi nila tinalima ang tinig ng Panginoon: at sila'y nagsiparoon hanggang sa Taphnes.
8 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias sa Taphnes, na nagsasabi,
9 Magtangan ka ng mga malaking bato sa iyong kamay, at iyong kublihan ng argamasa sa nalaladrillohan, na nasa pasukan ng bahay ni Faraon, sa Taphnes sa paningin ng mga tao sa Juda;
10 At iyong sabihin sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, ako'y magsusugo at kukunin ko si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, na aking lingkod, at aking ilalagay ang kaniyang luklukan sa mga batong ito na aking ikinubli; at kaniyang ilaladlad ang kaniyang pabillong hari sa mga yaon.
11 At siya'y paririto, at kaniyang sasaktan ang lupain ng Egipto; na yaong sa pagkamatay ay mabibigay sa kamatayan, at yaong sa pagkabihag ay sa pagkabihag, at yaong sa tabak ay sa tabak.
12 At ako'y magsisilab ng apoy sa mga bahay ng mga dios ng Egipto; at kaniyang mga susunugin, at sila'y dadalhing bihag: at kaniyang aariin ang lupain ng Egipto na parang pastor na nagaari ng kaniyang kasuutan; at siya'y lalabas na payapa mula riyan.
13 Kaniya ring babaliin ang mga haligi ng Beth-semes na nasa lupain ng Egipto; at ang mga bahay ng mga dios ng Egipto ay susunugin ng apoy.