Josue. Chapter 6
1 Ang Jerico nga ay lubos na nakukubkob dahil sa mga anak ni Israel: walang nakalalabas, at walang nakapapasok.
2 At sinabi ng Panginoon kay Josue, Tingnan mo, aking ibinigay sa iyong kamay ang Jerico, at ang hari niyaon, at ang mga makapangyarihang lalaking matapang.
3 At iyong liligirin ang bayan, lahat ng mga lalaking pangdigma, na liligid na minsan sa bayan. Ganito mo gagawin na anim na araw.
4 At pitong saserdote sa unahan ng kaban ay magdadala ng pitong pakakak na mga sungay ng tupa: at sa ikapitong araw ay inyong liligiring makapito ang bayan, at ang mga saserdote ay hihipan ang mga pakakak.
5 At mangyayari, na pagka hinipan nila ng matagal ang sungay ng tupa, at pagka inyong narinig ang tunog ng pakakak, ay hihiyaw ng malakas ang buong bayan; at ang kuta ng bayan ay guguho, at ang bayan ay sasampa ang bawa't isa'y tapatan sa harap niya.
6 At tinawag ni Josue na anak ni Nun ang mga saserdote, at sinabi sa kanila, Buhatin ninyo ang kaban ng tipan, at magdala ang pitong saserdote ng pitong pakakak na mga sungay ng tupa sa unahan ng kaban ng Panginoon.
7 At kaniyang sinabi sa bayan, Magpauna kayo, at ligirin ninyo ang bayan, at papagpaunahin ninyo ang mga lalaking may sandata sa unahan ng kaban ng Panginoon.
8 At nangyari, na pagkapagsalita ni Josue sa bayan, ay nagpauna sa Panginoon ang pitong saserdote na may tangang pitong pakakak na mga sungay ng tupa, at humihip ng mga pakakak; at ang kaban ng tipan ng Panginoon ay sumusunod sa kanila.
9 At ang mga lalaking may sandata ay nagpauna sa mga saserdote na humihihip ng mga pakakak, at ang bantay likod ay sumusunod sa kaban, na ang mga saserdote ay humihip ng mga pakakak habang sila'y yumayaon.
10 At iniutos ni Josue sa bayan, na sinasabi, Huwag kayong hihiyaw, ni huwag ninyong iparirinig ang inyong tinig, ni huwag magbubuka ang inyong bibig ng anomang salita, hanggang sa araw na aking sabihing kayo'y humiyaw; kung magkagayo'y hihiyaw kayo.
11 Sa gayo'y kaniyang iniligid sa bayan ang kaban ng Panginoon, na lumigid na minsan: at sila'y nasok sa kampamento, at tumigil sa kampamento.
12 At si Josue ay bumangong maaga sa kinaumagahan, at binuhat ng mga saserdote ang kaban ng Panginoon.
13 At ang pitong saserdote na may tangang pitong pakakak na mga sungay ng tupa sa unahan ng kaban ng Panginoon ay yumaon na patuloy, at humihihip ng mga pakakak: at ang mga lalaking may sandata ay nagpauna sa kanila; at ang bantay likod ay sumusunod sa kaban ng Panginoon, na ang mga saserdote ay humihihip ng mga pakakak habang sila'y yumayaon.
14 At sa ikalawang araw ay kanilang niligid na minsan ang bayan, at nagsibalik sa kampamento: kanilang ginawang gayon na anim na araw.
15 At nangyari nang ikapitong araw, na sila'y bumangong maaga sa pagbubukang liwayway, at niligid ang bayan ng gayon ding paraan na makapito: nang araw lamang na yaon kanilang niligid ang bayan na makapito.
16 At nangyari, sa ikapito, nang humihip ng mga pakakak ang mga saserdote, ay sinabi ni Josue sa bayan, Humiyaw kayo; sapagka't ibinigay na ng Panginoon sa inyo ang bayan.
17 At ang bayan ay matatalaga sa Panginoon, yaon at ang lahat na tumatahan doon: si Rahab na patutot lamang ang mabubuhay, siya at ang lahat na kasama niya sa bahay, sapagka't kaniyang ikinubli ang mga sugo na ating sinugo.
18 At kayo, sa anomang paraan ay magsipagingat sa itinalagang bagay; baka pagka naitalaga na sa inyo ay kumuha kayo sa itinalagang bagay; sa gayo'y inyong ipasusumpa ang kampamento ng Israel, at inyong babagabagin.
19 Nguni't lahat na pilak, at ginto, at mga sisidlang tanso at bakal, ay banal sa Panginoon: pawang ipapasok sa silid ng kayamanan ng Panginoon.
20 Sa gayo'y humiyaw ang bayan, at ang mga saserdote ay humihip ng mga pakakak: at nangyari nang marinig ng bayan ang tunog ng pakakak na ang bayan ay humiyaw ng malakas, at ang kuta ay gumuho, na ano pa't ang bayan ay sumampang nasok sa siyudad, na bawa't isa'y matuwid na nagpatuloy, at kanilang sinakop ang bayan.
21 At kanilang lubos na nilipol ng talim ng tabak ang lahat na nasa bayan, ang lalake at gayon din ang babae, ang binata at gayon din ang matanda, at ang baka, at ang tupa, at ang asno.
22 At sinabi ni Josue sa dalawang lalaking tumiktik sa lupain, Pumasok kayo sa bahay ng patutot, at ilabas ninyo roon ang babae, at ang lahat niyang tinatangkilik, na gaya ng inyong isinumpa sa kaniya.
23 At ang mga binata na mga tiktik ay pumasok, at inilabas si Rahab, at ang kaniyang ama, at ang kaniyang ina, at ang kaniyang mga kapatid, at lahat ng kaniyang tinatangkilik; lahat niyang kamaganakan naman ay kanilang inilabas; at kanilang inilagay sila sa labas ng kampamento ng Israel.
24 At kanilang sinunog ng apoy ang bayan, at lahat na nandoon: ang pilak lamang, at ang ginto, at ang mga sisidlang tanso at bakal, ang kanilang ipinasok sa silid ng kayamanan ng bahay ng Panginoon.
25 Nguni't si Rahab na patutot at ang sangbahayan ng kaniyang ama, at ang lahat niyang tinatangkilik, ay iniligtas na buhay ni Josue; at siya'y tumahan sa gitna ng Israel, hanggang sa araw na ito; sapagka't kaniyang ikinubli ang mga sugo na sinugo ni Josue upang tumiktik sa Jerico.
26 At binilinan sila ni Josue sa pamamagitan ng sumpa nang panahong yaon, na sinasabi, Sumpain ang lalake sa harap ng Panginoon, na magbangon at magtayo nitong bayan ng Jerico; kaniyang inilagay ang tatagang-baon niyaon sa kamatayan ng kaniyang panganay, at kaniyang itatayo ang mga pintuang-bayan niyaon sa kamatayan ng kaniyang bunso.
27 Sa gayo'y ang Panginoon ay sumama kay Josue; at ang kaniyang kabantugan ay lumaganap sa buong lupain.