Josue. Chapter 20
1 At ang Panginoon ay nagsalita kay Josue, na sinasabi,
2 Magsalita ka sa mga anak ni Israel, na sabihin mo, Italaga ninyo sa inyo ang mga bayang ampunan, na aking sinalita sa inyo sa pamamagitan ni Moises:
3 Upang matakasan ng nakamatay, na nakapatay sa sinoman na hindi sinasadya at hindi kusa: at magiging ampunan ninyo laban sa manghihiganti sa dugo.
4 At siya'y tatakas sa isa sa mga bayang yaon, at tatayo sa pasukan ng pintuan ng bayan, at magsasaysay sa mga pakinig ng mga matanda sa bayang yaon; at kanilang kukunin siya sa bayan na ipagsasama nila, at bibigyan nila siya ng isang dako, upang siya'y tumahan sa gitna nila.
5 At kung siya'y habulin ng manghihiganti sa dugo, hindi nga nila ibibigay ang nakamatay sa kaniyang kamay; sapagka't kaniyang napatay ang kaniyang kapuwa na hindi sinasadya, at hindi niya kinapootan nang una.
6 At siya'y tatahan sa bayang yaon, hanggang sa siya'y tumayo sa harap ng kapisanan upang hatulan, hanggang sa pagkamatay ng pangulong saserdote, na nalalagay sa mga araw na yaon: kung magkagayo'y uuwi ang nakamatay, at paroroon sa kaniyang sariling bayan, at sa kaniyang sariling bahay, hanggang sa pinagmulan niyang bayan na tinakasan.
7 At kanilang ibinukod ang Cedes sa Galilea sa lupaing maburol ng Nepthali, at ang Sichem sa lupaing maburol ng Ephraim, at ang Chiriath-arba (na siyang Hebron) sa lupaing maburol ng Juda.
8 At sa dako roon ng Jordan sa Jerico na dakong silanganan, ay kaniyang itinalaga ang Beser sa ilang sa kapatagan, mula sa lipi ni Ruben, at ang Ramoth sa Galaad na mula sa lipi ni Gad, at ang Gaulon sa Basan na mula sa lipi ni Manases.
9 Ito ang mga itinalagang bayan sa lahat ng mga anak ni Israel, at sa taga ibang lupa na tumatahan sa gitna nila, na sinomang makamatay ng sinomang tao, na hindi sinasadya, ay makatakas doon, at huwag mapatay ng kamay ng manghihiganti sa dugo, hanggang hindi nahaharap sa kapisanan.