Josue. Chapter 2
1 At si Josue na anak ni Nun ay nagsugong lihim mula sa Sittim ng dalawang lalake na pinakatiktik, na sinasabi, Yumaon kayo na inyong kilalanin ang lupain, at ang Jerico. At sila'y yumaon at pumasok sa isang bahay ng isang patutot na ang pangalan ay Rahab, at nakituloy doon.
2 At ito'y nasaysay sa hari sa Jerico, na sinasabi, Narito, may mga lalake, sa mga anak ni Israel na pumasok dito ngayong gabi upang kilalanin ang lupain.
3 At ang hari sa Jerico ay nagsugo kay Rahab, na sinasabi, Ilabas mo ang mga lalake na naparito sa iyo, na pumasok sa iyong bahay; sapagka't sila'y naparito upang kilalanin ang buong lupain.
4 At ipinagsama ng babae ang dalawang lalake at ikinubli, at sinabi niya, Oo, ang mga lalake ay naparito sa akin, nguni't hindi ko talastas kung sila'y taga saan:
5 At nangyari, sa may oras ng pagsasara ng pintuang-bayan, nang madilim na, na ang mga lalake ay lumabas; hindi ko talastas kung saan naparoon ang mga lalaking yaon; habulin ninyong madali sila; sapagka't inyo silang aabutan.
6 Nguni't kaniyang isinampa sila sa bubungan, at ikinubli sa mga puno ng lino, na kaniyang inilagay na maayos sa bubungan.
7 At hinabol ng mga tao sila sa daan na patungo sa Jordan hanggang sa mga tawiran: at pagkalabas ng humabol sa kanila, ay kanilang sinarhan ang pintuang-bayan.
8 At bago sila nahiga, ay sinampa niya sila sa bubungan.
9 At sinabi niya sa mga lalake, Talastas ko na ibinigay sa inyo ng Panginoon ang lupain, at dinatnan kami ng pangingilabot sa inyo at ang lahat na nananahan sa lupain ay nauupos sa harap ninyo.
10 Sapagka't aming nabalitaan kung paanong tinuyo ng Panginoon ang tubig sa Dagat na Mapula sa harap ninyo, nang kayo'y lumabas sa Egipto; at kung ano ang inyong ginawa sa dalawang hari ng mga Amorrheo, na nangasa dako roon ng Jordan, kay Sehon at kay Og, na inyong lubos na pinuksa.
11 At pagkabalita namin, ay nanglumo ang aming puso, ni walang diwa na naiwan sa kanino mang tao, dahil sa inyo; sapagka't ang Panginoon ninyong Dios, ay siyang Dios sa langit sa itaas, at sa lupa sa ibaba.
12 Ngayon nga, isinasamo ko sa inyo, sumumpa kayo sa akin sa pangalan ng Panginoon, na kung paanong ako'y nagmagandang loob sa inyo ay magmamagandang loob naman kayo sa sangbahayan ng aking magulang, at bibigyan ninyo ako ng tunay na tanda;
13 At inyong ililigtas na buhay ang aking ama, at ang aking ina, at ang aking mga kapatid na lalake at babae, at ang lahat nilang tinatangkilik, at inyong ililigtas ang aming mga buhay sa kamatayan.
14 At sinabi ng mga lalake sa kaniya, Ang aming buhay ay ilalagak namin sa inyo, kung hindi ninyo ihahayag itong aming pakay; at mangyayari, na pagka ibinigay sa amin ng Panginoon ang lupain, kami ay magmamagandang loob at magtatapat sa inyo.
15 Nang magkagayo'y kaniyang pinababa sila sa pamamagitan ng isang lubid sa dungawan: sapagka't ang kaniyang bahay ay nasa kuta ng bayan, at siya'y tumatahan sa kuta.
16 At sinabi niya sa kanila, Pumaroon kayo sa bundok, baka kayo'y abutan ng manghahabol sa inyo; at kayo'y magkubli roon na tatlong araw, hanggang sa magsibalik ang mga manghahabol: at pagkatapos ay makayayaon kayo ng inyong lakad.
17 At sinabi ng mga lalake sa kaniya, Kami ay hindi magpapakasala sa sumpang ito, na iyong ipinasumpa sa amin.
18 Narito, pagka kami ay pumasok sa lupain, ay iyong itatali itong panaling pula sa dungawan na iyong pinagpababaan sa amin: at iyong pipisanin sa iyo sa loob ng bahay ang iyong ama, at ang iyong ina, at ang iyong mga kapatid, at ang buong sangbahayan ng iyong ama.
19 At mangyayari, na sinomang lalabas sa mga pintuan ng iyong bahay sa lansangan, ay mabububo sa kaniyang ulo ang kaniyang dugo at hindi namin magiging kasalanan: at sinomang kasama mo sa bahay ay mahuhulog sa aming ulo ang dugo niya, kung may magbuhat sa kaniya ng kamay.
20 Nguni't kung iyong ihayag itong aming pakay, ay hindi namin ipagkakasala ang pagkapanumpa sa iyo, na iyong ipinapanumpa sa amin.
21 At kaniyang sinabi, Ayon sa inyong mga salita, ay siya nawang mangyari. At kaniyang pinapagpaalam sila at sila'y yumaon: at kaniyang itinali ang panaling pula sa dungawan.
22 At sila'y yumaon at naparoon sa bundok, at tumahan doon na tatlong araw, hanggang sa nagsibalik ang mga manghahabol; at hinanap sila ng mga manghahabol sa lahat ng daan, nguni't hindi sila nasumpungan.
23 Nang magkagayo'y nagsibalik ang dalawang lalake at bumaba sa bundok, at tumawid at naparoon kay Josue na anak ni Nun; at kanilang isinaysay sa kaniya ang lahat na nangyari sa kanila.
24 At kanilang sinabi kay Josue, Tunay na ibinigay ng Panginoon sa ating mga kamay ang buong lupain; at bukod dito'y nangliliit ang lahat na nananahan sa lupain sa harap natin.