Lucas. Chapter 4
1 At si Jesus, na puspos ng Espiritu Santo ay bumalik mula sa Jordan at inihatid ng Espiritu sa ilang,
2 Sa loob ng apat na pung araw na tinutukso ng diablo. At hindi siya kumain ng anoman nang mga araw na yaon; at nang maganap ang mga yaon ay nagutom siya.
3 At sinabi sa kaniya ng diablo, Kung ikaw ang Anak ng Dios, ipag-utos mo na ang batong ito ay maging tinapay.
4 At sinagot siya ni Jesus, Nasusulat, Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao.
5 At iniakyat pa siya niya, at ipinakita sa kaniya sa sandaling panahon ang lahat ng mga kaharian sa sanglibutan.
6 At sinabi sa kaniya ng diablo, Sa iyo'y ibibigay ko ang lahat ng kapamahalaang ito, at ang kaluwalhatian nila: sapagka't ito'y naibigay na sa akin; at ibibigay ko kung kanino ko ibig.
7 Kaya nga kung sasamba ka sa harapan ko, ay magiging iyong lahat.
8 At si Jesus ay sumagot at sinabi sa kaniya, Nasusulat, Sa Panginoon mong Dios sasamba ka, at siya lamang ang iyong paglilingkuran.
9 At dinala niya siya sa Jerusalem, at inilagay siya sa taluktok ng templo, at sinabi sa kaniya, Kung ikaw ay Anak ng Dios, ay magpatihulog ka mula rito hanggang sa ibaba:
10 Sapagka't nasusulat, Siya'y magbibilin sa kaniyang mga anghel tungkol sa iyo, upang ikaw ay ingatan:
11 At, Aalalayan ka nila ng kanilang mga kamay, Baka matisod ka ng iyong paa sa isang bato.
12 At pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kaniya, Nasasabi, Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Dios.
13 At nang matapos ng diablo ang lahat ng pagtukso, ay hiniwalayan siya niya ng ilang panahon.
14 At bumalik si Jesus sa Galilea sa kapangyarihan ng Espiritu: at kumalat ang kabantugan tungkol sa kaniya sa palibot ng buong lupain.
15 At nagtuturo siya sa mga sinagoga nila, na niluluwalhati ng lahat.
16 At siya'y napasa Nazaret na kaniyang nilakhan: at ayon sa kaniyang kaugalian, siya'y pumasok sa sinagoga nang araw ng sabbath, at nagtindig upang bumasa.
17 At ibinigay sa kaniya ang aklat ng propeta Isaias. At binuklat niya ang aklat, na nasumpungan niya ang dakong kinasusulatan,
18 Sumasa akin ang Espiritu ng Panginoon, Sapagka't ako'y pinahiran niya upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga dukha: Ako'y sinugo niya upang itanyag sa mga bihag ang pagkaligtas, At sa mga bulag ang pagkakita, Upang bigyan ng kalayaan ang nangaaapi,
19 Upang itanyag ang kaayaayang taon ng Panginoon.
20 At binalumbon niya ang aklat, at isinauli sa naglilingkod, at naupo: at ang mga mata ng lahat ng nangasa sinagoga ay nangakatitig sa kaniya.
21 At siya'y nagpasimulang magsabi sa kanila, Ngayo'y naganap ang kasulatang ito sa inyong mga pakinig.
22 At siya'y pinatotohanan ng lahat, at nangagtataka sa mga salita ng biyaya na lumalabas sa kaniyang bibig: at sinabi nila, Hindi baga ito ang anak ni Jose?
23 At sinabi niya sa kanila, Walang salang sasabihin ninyo sa akin itong talinghaga, Manggagamot, gamutin mo ang iyong sarili: ang anomang aming narinig na ginawa sa Capernaum, ay gawin mo naman dito sa iyong lupain.
24 At sinabi niya, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang propetang kinalulugdan sa kaniyang tinubuang lupa.
25 Datapuwa't katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maraming mga baong babai sa Israel nang mga araw ni Elias, nang sarhan ang langit sa loob ng tatlong taon at anim na buwan, noong datnan ng malaking kagutom ang buong sangkalupaan;
26 At sa kanino man sa kanila ay hindi sinugo si Elias, kundi sa Sarepta sa lupa ng Sidon, sa isang babaing bao.
27 At maraming ketongin sa Israel nang panahon ni Eliseo na propeta; at sinoman sa kanila'y hindi nilinis, kundi lamang si Naaman na Siro.
28 At nangapuspos ng galit ang lahat ng nangasa sinagoga, sa pagkarinig nila ng mga bagay na ito;
29 At sila'y nagsitindig, at ipinagtabuyan siya sa labas ng bayan at dinala siya hanggang sa ibabaw ng taluktok ng gulod na kinatatayuan ng kanilang bayan, upang siya'y maibulid nila ng patiwarik.
30 Datapuwa't pagdaraan niya sa gitna nila, ay yumaon ng kaniyang lakad.
31 At siya'y bumaba sa Capernaum, na isang bayan ng Galilea. At sila'y tinuruan niya sa araw ng sabbath:
32 At nangagtaka sila sa kaniyang aral, sapagka't may kapamahalaan ang kaniyang salita.
33 At sa sinagoga ay may isang lalake na may espiritu ng karumaldumal na demonio; at siya'y sumigaw ng malakas na tinig,
34 Ah! anong mayroon kami sa iyo, Jesus, ikaw na Nazareno? naparito ka baga upang kami'y iyong puksain? nakikilala ko ikaw kung sino ka, ang Banal ng Dios.
35 At sinaway siya ni Jesus, na sinasabi, Tumahimik ka, at lumabas ka sa kaniya. At nang siya'y mailugmok ng demonio sa gitna, ay lumabas siya sa kaniya, na hindi siya sinaktan.
36 At silang lahat ay nangagtaka at nagsalitaan ang isa't isa, na nangagsasabi, Anong salita kaya ito? sapagka't siya na may kapamahalaan at kapangyarihan ay naguutos sa mga karumaldumal na espiritu, at nagsisilabas sila.
37 At kumakalat ang alingawngaw tungkol sa kaniya sa lahat ng dako sa palibotlibot ng lupaing yaon.
38 At siya'y nagtindig sa sinagoga, at pumasok sa bahay ni Simon. At nilalagnat na mainam ang biyanang babae ni Simon, at siya'y kanilang ipinamanhik sa kaniya.
39 At tinunghan niya siya, at sinaway ang lagnat; at inibsan siya: at siya'y nagtindig pagdaka at naglingkod sa kanila.
40 At nang lumulubog na ang araw, ang lahat na may mga sakit ng sarisaring karamdaman ay dinala sa kaniya; at ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa bawa't isa sa kanila, at sila'y pinagaling.
41 At nagsilabas din sa marami ang mga demonio na nagsisisigaw, na nagsasabi, Ikaw ang anak ng Dios. At sinasaway sila, na di niya sila tinutulutang mangagsalita, sapagka't naalaman nilang siya ang Cristo.
42 At nang araw na, ay lumabas siya at naparoon sa isang ilang na dako: at hinahanap siya ng mga karamihan, at nagsiparoon sa kaniya, at pinagpipilitang pigilin siya, upang huwag siyang humiwalay sa kanila.
43 Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Dapat namang ipangaral ko sa mga ibang bayan ang mabubuting balita ng kaharian ng Dios: sapagka't sa ganito ay sinugo ako.
44 At siya'y nangangaral sa mga sinagoga ng Galilea.