Malakias
1 Ang hula na salita ng Panginoon sa Israel sa pamamagitan ni Malakias.
2 Inibig ko kayo, sabi ng Panginoon. Gayon ma'y inyong sinasabi, Sa ano mo kami inibig? Hindi baga si Esau ay kapatid ni Jacob? sabi ng Panginoon: gayon ma'y inibig ko si Jacob;
3 Nguni't si Esau ay aking kinapootan, at ginawa ko ang kaniyang mga bundok na isang kasiraan, at ibinigay ko ang kaniyang mana sa mga chakal sa ilang.
4 Yamang sabi ng Edom, Tayo'y nangabagsak, nguni't mangagbabalik tayo, at ating itatayo ang mga wasak na dako; ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Sila'y mangagtatayo, nguni't aking ibabagsak; at tatawagin sila ng mga tao, Ang hangganan ng kasamaan, at Ang bayang kinagalitan ng Panginoon magpakailan man.
5 At makikita ng inyong mga mata, at inyong sasabihin, Dakilain ang Panginoon sa dako roon ng hangganan ng Israel.
6 Iginagalang ng anak ang kaniyang ama, at ng alila ang kaniyang panginoon: kung ako nga'y ama, saan nandoon ang aking dangal? at kung ako'y panginoon, saan nandoon ang takot sa akin? sabi ng Panginoon ng mga hukbo sa inyo, Oh mga saserdote, na nagsisihamak ng aking pangalan. At inyong sinasabi, Sa ano namin hinamak ang iyong pangalan?
7 Kayo'y nangaghahandog ng karumaldumal na hain sa aking dambana. At inyong sinasabi, Sa ano namin nilapastangan ka? Sa inyong sinasabi, ang dulang ng Panginoon ay hamak.
8 At pagka kayo'y nangaghahandog ng bulag na pinakahain, di kasamaan! at pagka kayo'y nangaghahandog ng pilay at may sakit, di kasamaan! Iharap mo nga sa iyong tagapamahala; kalulugdan ka baga niya? o tatanggapin baga niya ang iyong pagkatao? sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
9 At ngayo'y isinasamo ko sa inyo, inyong dalanginin ang lingap ng Dios, upang pagbiyayaan niya tayo; ito'y nangyari sa inyong mga paraan: tatanggapin baga niya ang pagkatao ng sinoman sa inyo? sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
10 Oh kung mayroon sana sa inyo na magsara ng mga pinto, upang huwag ninyong mangapaningasan ang apoy sa aking dambana ng walang kabuluhan! Hindi ko kayo kinalulugdan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ni tatanggap man ako ng handog sa inyong kamay.
11 Sapagka't mula sa sinisikatan ng araw hanggang sa nilulubugan niyaon, magiging dakila ang aking pangalan sa mga Gentil; at sa bawa't dako ay paghahandugan ng kamangyan ang aking pangalan, at ng dalisay na handog: sapagka't ang aking pangalan ay magiging dakila sa gitna ng mga Gentil, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
12 Nguni't inyong nilapastangan na inyong sinasabi, Ang dulang ng Panginoon ay nadumhan, at ang laman niyaon, sa makatuwid baga'y ang hain doon ay hamak.
13 Inyong sinasabi rin naman, Narito, nakayayamot! at inyong nginusuan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo; at inyong iniharap ang nakuha sa dahas, at ang pilay, at ang may sakit; ganito ninyo dinadala ang handog: tatanggapin ko baga ito sa inyong kamay? sabi ng Panginoon.
14 Nguni't sumpain ang magdaraya na mayroon sa kaniyang kawan na isang lalake, at nananata, at naghahain sa Panginoon ng marungis na bagay; sapagka't ako'y dakilang Hari, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at ang aking pangalan ay kakilakilabot sa gitna ng mga Gentil.