Marcos. Chapter 10
1 At siya'y umalis doon, at pumasok sa mga hangganan ng Judea at sa dako pa roon ng Jordan: at ang mga karamihan ay muling nakipisan sa kaniya; at, ayon sa kaniyang kinaugalian, ay muling tinuruan niya sila.
2 At nagsilapit sa kaniya ang mga Fariseo, at siya'y tinanong, Matuwid baga sa lalake na ihiwalay ang kaniyang asawa? na siya'y tinutukso.
3 At sumagot siya at sa kanila'y sinabi, Ano ang iniutos sa inyo ni Moises?
4 At sinabi nila, Ipinahintulot ni Moises na ilagda ang kasulatan sa paghihiwalay, at ihiwalay siya.
5 Datapuwa't sinabi sa kanila ni Jesus, Dahil sa katigasan ng inyong puso ay inilagda niya ang utos na ito.
6 Nguni't buhat nang pasimula ng paglalang, Lalake at babaing ginawa niya sila.
7 Dahil dito'y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kaniyang asawa;
8 At ang dalawa ay magiging isang laman; kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman.
9 Ang pinapagsama nga ng Dios, ay huwag papaghiwalayin ng tao.
10 At sa bahay ay muling tinanong siya ng mga alagad tungkol sa bagay na ito.
11 At sinabi niya sa kanila, Ang sinomang lalake na ihiwalay ang kaniyang asawa, at magasawa sa iba, ay nagkakasala ng pangangalunya laban sa unang asawa:
12 At kung ihiwalay ng babae ang kaniyang asawa, at magasawa sa iba, ay nagkakasala siya ng pangangalunya.
13 At dinadala nila sa kaniya ang maliliit na bata, upang sila'y kaniyang hipuin: at sinaway sila ng mga alagad.
14 Datapuwa't nang ito'y makita ni Jesus, ay nagdalang galit siya, at sinabi sa kanila, Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata; huwag ninyo silang pagbawalan: sapagka't sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Dios.
15 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sinomang hindi tumanggap ng kaharian ng Dios na tulad sa isang maliit na bata, ay hindi siya papasok doon sa anomang paraan.
16 At kinalong niya sila, at sila'y pinagpala, na ipinapatong ang kaniyang mga kamay sa kanila.
17 At nang siya'y umalis na lumalakad sa daan, ay may isang tumakbong lumapit sa kaniya, at lumuhod sa harap niya, at siya'y tinanong, Mabuting Guro, ano ang gagawin ko upang ako'y magmana ng buhay na walang hanggan?
18 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Bakit tinatawag mo akong mabuti? walang mabuti kundi isa lamang, ang Dios.
19 Nalalaman mo ang mga utos, Huwag kang pumatay, Huwag kang mangalunya, Huwag kang magnakaw, Huwag kang sumaksi sa di katotohanan, Huwag kang magdaya, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.
20 At sinabi niya sa kaniya, Guro, ang lahat ng mga bagay na ito'y aking ginanap mula sa aking kabataan.
21 At pagtitig sa kaniya ni Jesus, ay giniliw siya, at sinabi sa kaniya, Isang bagay ang kulang sa iyo: yumaon ka, ipagbili mo ang lahat mong tinatangkilik, at ibigay mo sa dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin.
22 Datapuwa't siya'y nahapis sa sabing ito, at siya'y yumaong namamanglaw: sapagka't siya'y isang may maraming mga pag-aari.
23 At lumingap si Jesus sa palibotlibot, at sinabi sa kaniyang mga alagad, Kay hirap na magsipasok sa kaharian ng Dios ang mga may kayamanan!
24 At nangagtaka ang mga alagad sa kaniyang mga salita. Datapuwa't si Jesus ay muling sumagot at nagsabi sa kanila, Mga anak, kay hirap na magsipasok sa kaharian ng Dios ang mga magsisiasa sa mga kayamanan!
25 Magaan pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom, kay sa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng Dios.
26 At sila'y nangagtatakang lubha, na sinasabi sa kaniya, Sino nga kaya ang makaliligtas?
27 Pagtingin ni Jesus sa kanila'y nagsabi, Hindi maaari ito sa mga tao, datapuwa't hindi gayon sa Dios: sapagka't ang lahat ng mga bagay ay may pangyayari sa Dios.
28 Si Pedro ay nagpasimulang magsabi sa kaniya, Narito, iniwan namin ang lahat, at nagsisunod sa iyo.
29 Sinabi ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang taong nagiwan ng bahay, o mga kapatid na lalake, o mga kapatid na babae, o ina, o ama, o mga anak, o mga lupa, dahil sa akin, at dahil sa evangelio,
30 Na hindi siya tatanggap ng tigisang daan ngayon sa panahong ito, ng mga bahay, at mga kapatid na lalake, at mga kapatid na babae, at mga ina, at mga anak, at mga lupa, kalakip ng mga paguusig; at sa sanglibutang darating ay ng walang hanggang buhay.
31 Datapuwa't maraming nangauuna ay mangahuhuli; at nangahuhuli na mangauuna.
32 At sila'y nangasa daan, na nagsisiahon sa Jerusalem; at nangunguna sa kanila si Jesus: at sila'y nangagtaka; at ang nangagsisisunod ay nangatakot. At muling kinuha niya ang labingdalawa, at nagpasimulang sinabi sa kanila ang mga bagay na sa kaniya'y mangyayari,
33 Na sinasabi, Narito, nagsisiahon tayo sa Jerusalem; at ibibigay ang Anak ng tao sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba; at siya'y kanilang hahatulang patayin, at ibibigay siya sa mga Gentil:
34 At siya'y kanilang aalimurahin, at siya'y luluraan, at siya'y hahampasin, at siya'y papatayin; at pagkaraan ng tatlong araw ay magbabangon siyang muli.
35 At nagsilapit sa kaniya si Santiago at si Juan, na mga anak ni Zebedeo, na sa kaniya'y nagsisipagsabi, Guro, ibig naming iyong gawin sa amin ang anomang aming hingin sa iyo.
36 At sinabi niya sa kanila, Ano ang ibig ninyong sa inyo'y aking gawin?
37 At sinabi nila sa kaniya, Ipagkaloob mo sa amin na mangakaupo kami, ang isa'y sa iyong kanan, at ang isa'y sa iyong kaliwa, sa iyong kaluwalhatian.
38 Datapuwa't sinabi sa kanila ni Jesus, Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Mangakaiinom baga kayo sa sarong aking iinuman? o mangababautismuhan sa bautismo na ibinautismo sa akin?
39 At sinabi nila sa kaniya, Kaya namin. At sinabi sa kanila ni Jesus, Ang sarong aking iinuman ay iinuman ninyo; at sa bautismo na ibinautismo sa akin ay babautismuhan kayo;
40 Datapuwa't ang maupo sa aking kanan o sa aking kaliwa ay hindi ako ang magbibigay; datapuwa't yaon ay para sa kanila na mga pinaghahandaan.
41 At nang marinig ito ng sangpu, ay nangagpasimula silang mangagalit kay Santiago at kay Juan.
42 At sila'y pinalapit ni Jesus sa kaniya, at sa kanila'y sinabi, Nalalaman ninyo na yaong mga inaaring mga pinuno ng mga Gentil ay nangapapapanginoon sa kanila; at ang sa kanila'y mga dakila ay nagsisigamit ng kapamahalaan sa kanila.
43 Datapuwa't sa inyo ay hindi gayon: kundi ang sinomang ibig na dumakila sa inyo, ay magiging lingkod ninyo;
44 At ang sinoman sa inyo ang magibig manguna, ay magiging alipin ng lahat.
45 Sapagka't ang Anak ng tao rin naman ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang kaniyang buhay na pangtubos sa marami.
46 At nagsidating sila sa Jerico: at habang nililisan niya ang Jerico, na kasama ng kaniyang mga alagad at ng lubhang maraming mga tao, ang anak ni Timeo, si Bartimeo, na isang pulubing bulag, ay nakaupo sa tabi ng daan.
47 At nang marinig niya na yao'y si Jesus na Nazareno, siya'y nagpasimulang magsisigaw, at nagsabi, Jesus, ikaw na anak ni David, mahabag ka sa akin.
48 At siya'y pinagwikaan ng marami upang siya'y tumahimik: datapuwa't siya'y lalong sumisigaw, Ikaw na Anak ni David, mahabag ka sa akin.
49 At tumigil si Jesus, at sinabi, Tawagin ninyo siya. At tinawag nila ang lalaking bulag, na sinasabi sa kaniya, Laksan mo ang iyong loob; ikaw ay magtindig, tinatawag ka niya.
50 At siya, pagkatapon ng kaniyang balabal, ay nagmadaling tumindig, at lumapit kay Jesus.
51 At sumagot sa kaniya si Jesus, at sinabi, Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo? At sinabi ng lalaking bulag, Raboni, na tanggapin ang aking paningin.
52 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Humayo ka ng iyong lakad; pinagaling ka ng iyong pananampalataya. At pagdaka'y tinanggap niya ang kaniyang paningin, at siya'y sumunod sa kaniya sa daan.