Mga Kawikaan. Chapter 9
1 Itinayo ng karunungan ang kaniyang bahay, kaniyang tinabas ang kaniyang pitong haligi:
2 Pinatay niya ang kaniyang mga hayop: hinaluan niya ang kaniyang alak; kaniya namang ginayakan ang kaniyang dulang.
3 Kaniya namang sinugo ang kaniyang mga alilang babae; siya'y sumisigaw sa mga pinakapantas na dako sa bayan:
4 Kung sinoma'y musmos, pumasok dito: tungkol sa kaniya na mapurol sa pagunawa, sinasabi niya sa kaniya:
5 Kayo'y magsiparito, magsikain kayo ng aking tinapay, at magsiinom kayo ng alak na aking hinaluan.
6 Iwan ninyo, ninyong mga musmos at kayo'y mabuhay; at kayo'y magsilakad sa daan ng kaunawaan.
7 Siyang sumasaway sa manglilibak ay nagtataglay ng kahihiyan sa kaniyang sarili: at siyang sumasaway sa masama ay nagtataglay ng pula sa kaniyang sarili.
8 Huwag mong sawayin ang manglilibak, baka ipagtanim ka niya: sawayin mo ang pantas, at kaniyang iibigin ka.
9 Turuan mo ang pantas, at siya'y magiging lalong pantas pa: iyong turuan ang matuwid, at siya'y lalago sa pagkatuto.
10 Ang pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan: at ang pagkakilala sa Banal ay kaunawaan.
11 Sapagka't sa pamamagitan ko ay dadami ang iyong mga kaarawan, at ang mga taon ng iyong buhay ay magsisidami.
12 Kung ikaw ay pantas, ikaw ay pantas sa ganang iyong sarili: at kung ikaw ay manglilibak, ikaw na magisa ang magpapasan.
13 Ang hangal na babae ay madaldal; siya'y musmos at walang nalalaman.
14 At siya'y nauupo sa pintuan ng kaniyang bahay, sa isang upuan sa mga mataas na dako sa bayan,
15 Upang tawagin ang nangagdadaan, na nagsisiyaong matuwid ng kanilang mga lakad:
16 Sinomang musmos ay pumasok dito: at tungkol sa kaniya na mapurol sa pagunawa, sinasabi niya sa kaniya:
17 Ang mga nakaw na tubig ay matamis, at ang tinapay na kinakain sa lihim ay masarap.
18 Nguni't hindi niya nalalaman na ang patay ay nandoon; na ang mga panauhin niya ay nangasa mga kalaliman ng Sheol.