Mga Kawikaan. Chapter 22
1 Ang mabuting pangalan ay maiging piliin, kay sa malaking kayamanan, at ang magandang kalooban, kay sa pilak at ginto.
2 Ang mayaman at ang dukha ay nagkakasalubong kapuwa: ang Panginoon ang May-lalang sa kanilang lahat.
3 Ang mabait na tao ay nakakakita ng kasamaan at nagkukubli: nguni't dinadaanan ng musmos at nagtitiis.
4 Ang kagantihan sa kapakumbabaan at ang pagkatakot sa Panginoon ay kayamanan, at karangalan, at buhay.
5 Mga tinik at mga silo ay nangasa daan ng magdaraya: ang nagiingat ng kaniyang kaluluwa ay lalayo sa mga yaon.
6 Turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, at pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan.
7 Ang mayaman ay magpupuno sa dukha, at ang manghihiram ay alipin ng nagpapahiram.
8 Siyang naghahasik ng kasamaan ay aani ng kapahamakan; at ang pamalo ng kaniyang poot ay maglilikat.
9 Ang may magandang-loob na mata ay pagpapalain: sapagka't nagbibigay ng kaniyang tinapay sa dukha.
10 Itaboy mo ang manglilibak, at ang pagtatalo ay maalis; Oo, ang pagkakaalit at pagduwahagi ay matitigil.
11 Siyang umiibig ng kalinisan ng puso, dahil sa biyaya ng kaniyang mga labi ay magiging kaniyang kaibigan ang hari.
12 Ang mga mata ng Panginoon ay nagiingat sa maalam: nguni't kaniyang ibinabagsak ang mga salita ng taksil.
13 Sinasabi ng tamad, may leon sa labas: mapapatay ako sa mga lansangan.
14 Ang bibig ng masasamang babae ay isang malalim na lungaw: siyang nayayamot sa Panginoon ay mabubuwal doon.
15 Ang kamangmangan ay nababalot sa puso ng bata; nguni't ilalayo sa kaniya ng pamalong pangsaway.
16 Ang pumipighati sa dukha upang magpalago ng kaniyang pakinabang, at ang nagbibigay sa mayaman, ay humahangga sa pangangailangan lamang.
17 Ikiling mo ang iyong pakinig, at iyong dinggin ang mga salita ng pantas, at ihilig mo ang iyong puso sa aking kaalaman.
18 Sapagka't maligayang bagay kung iyong ingatan sa loob mo, kung mangatatatag na magkakasama sa iyong mga labi.
19 Upang ang iyong tiwala ay malagak sa Panginoon, aking ipinakilala sa iyo sa kaarawang ito, oo, sa iyo.
20 Hindi ba ako sumulat sa iyo ng mga marilag na bagay na mga payo at kaalaman;
21 Upang ipakilala sa iyo ang katunayan ng mga salitang katotohanan, upang iyong maibalik ang mga salita ng katotohanan sa kanila na nagsusugo sa iyo?
22 Huwag kang magnakaw sa dukha, sapagka't siya'y dukha, ni pumighati man sa nagdadalamhati sa pintuang-bayan:
23 Sapagka't ipakikipaglaban ng Panginoon ang kanilang usap, at sasamsaman ng buhay yaong nagsisisamsam sa kanila.
24 Huwag kang makipagkaibigan sa taong magagalitin; at sa mainiting tao ay huwag kang sasama:
25 Baka ka matuto ng kaniyang mga lakad, at magtamo ng silo sa iyong kaluluwa.
26 Huwag kang maging isa sa kanila na nakikikamay, o sa kanila na mangananagot sa mga utang:
27 Kung wala kang ikabayad, bakit kaniyang kukunin sa iyo ang iyong higaan?
28 Huwag mong baguhin ang dating muhon ng lupa, na inilagay ng iyong mga magulang.
29 Nakikita mo ba ang taong masipag sa kaniyang gawain? siya'y tatayo sa harap ng mga hari: hindi siya tatayo sa harap ng mga taong hamak.