Pahayag. Chapter 11
1 At binigyan ako ng isang tambong katulad ng isang panukat: at may isang nagsabi, Magtindig ka, at sukatin mo ang templo ng Dios, at ang dambana, at ang mga sumasamba doon.
2 At ang loobang nasa labas ng templo ay pabayaan mo, at huwag mong sukatin; sapagka't ibinigay sa mga Gentil; at kanilang yuyurakang apat na pu't dalawang buwan ang banal na siudad.
3 At may ipagkakaloob ako sa aking dalawang saksi, at sila'y magsisipanghulang isang libo at dalawang daan at anim na pung araw, na nararamtan ng magagaspang na kayo.
4 Ang mga ito'y ang dalawang punong olibo at ang dalawang kandelero, na nangakatayo sa harapan ng Panginoon ng lupa.
5 At kung nasain ng sinoman na sila'y ipahamak, ay apoy ang lumalabas sa kanilang bibig, at lumalamon sa kanilang mga kaaway; at kung nasain ng sinoman na sila'y ipahamak ay kailangan ang mamatay sa ganitong paraan.
6 Ang mga ito'y may kapangyarihang magsara ng langit, upang huwag umulan sa loob ng mga araw ng kanilang hula: at may kapangyarihan sila sa mga tubig na mapaging dugo, at mapahirapan ang lupa ng bawa't salot sa tuwing kanilang nasain.
7 At pagka natapos nila ang kanilang patotoo, ang hayop na umahon mula sa kalaliman ay babaka sa kanila, at pagtatagumpayan sila, at sila'y papatayin.
8 At ang kanilang mga bangkay ay nasa lansangan ng malaking bayan, na ayon sa espiritu ay tinatawag na Sodoma at Egipto, na doon din naman ipinako sa krus ang Panginoon nila.
9 At ang mga tao mula sa gitna ng mga bayan at mga angkan at mga wika at mga bansa, ay nanonood sa kanilang mga bangkay na tatlong araw at kalahati, at hindi itutulot na ang kanilang mga bangkay ay malibing.
10 At ang mga nananahan sa ibabaw ng lupa ay mangagagalak tungkol sa kanila, at mangatutuwa; at sila'y mangagpapadalahan ng mga kaloob; sapagka't ang dalawang propetang ito ay nagpahirap sa nangananahan sa ibabaw ng lupa.
11 At pagkatapos ng tatlong araw at kalahati, ang hininga ng buhay na mula sa Dios ay pumasok sa kanila, at sila'y nangagsitindig; at dinatnan ng malaking takot ang mga nakakita sa kanila.
12 At narinig nila ang isang malakas na tinig na nagsasabi sa kanila, Umakyat kayo rito. At sila'y umakyat sa langit sa isang alapaap; at pinagmasdan sila ng kanilang mga kaaway.
13 At nang oras na yaon ay nagkaroon ng isang malakas na lindol, at nagiba ang ikasangpung bahagi ng bayan; at may nangamatay sa lindol na pitong libo katao: at ang mga iba ay nangatatakot, at nangagbigay ng kaluwalhatian sa Dios ng langit.
14 Nakaraan na ang ikalawang Pagkaaba: narito, nagmamadaling dumarating ang ikatlong Pagkaaba.
15 At humihip ang ikapitong anghel; at nagkaroon ng malalakas na tinig sa langit, at nagsasabi, Ang kaharian ng sanglibutan ay naging sa ating Panginoon, at sa kaniyang Cristo: at siya'y maghahari magpakailan kailan man.
16 At ang dalawangpu't apat na matatanda na nakaupo sa kanikaniyang luklukan sa harapan ng Dios ay nangagpatirapa, at nangagsisamba sa Dios,
17 Na nangagsasabi, Pinasasalamatan ka namin, Oh Panginoong Dios, na Makapangyarihan sa lahat, na ikaw ngayon, at naging ikaw nang nakaraan; sapagka't hinawakan mo ang iyong dakilang kapangyarihan, at ikaw ay naghari.
18 At nangagalit ang mga bansa, at dumating ang iyong poot, at ang panahon ng mga patay upang mangahatulan, at ang panahon ng pagbibigay mo ng ganting-pala sa iyong mga alipin na mga propeta, at sa mga banal, at sa mga natatakot sa iyong pangalan, maliliit at malalaki; at upang ipahamak mo ang mga nagpapahamak ng lupa.
19 At nabuksan ang templo ng Dios na nasa langit: at nakita sa kaniyang templo ang kaban ng kaniyang tipan; at nagkaroon ng mga kidlat, at mga tinig, at mga kulog, at isang lindol, at malaking granizo.