Ang Awit ni Solomon. Chapter 6
1 Saan naparoon ang iyong sinisinta, Oh ikaw na pinakamaganda sa mga babae? Saan tumungo ang iyong sinisinta, upang siya'y aming mahanap na kasama mo?
2 Ang sinisinta ko'y bumaba sa kaniyang halamanan, sa mga pitak ng mga especia, upang magaliw sa mga halaman, at upang mamitas ng mga lila.
3 Ako'y sa aking sinisinta, at ang sinisinta ko ay akin: pinapastulan niya ang kaniyang kawan sa gitna ng mga lila.
4 Ikaw ay maganda, sinta ko, na gaya ng Tirsa, kahalihalina na gaya ng Jerusalem, kakilakilabot na gaya ng hukbo na may mga watawat.
5 Ihiwalay mo ang iyong mga mata sa akin, Sapagka't kanilang dinaig ako. Ang iyong buhok ay gaya ng kawan ng mga kambing, na nangahihilig sa gulod ng Galaad.
6 Ang iyong mga ngipin ay gaya ng kawan ng mga babaing tupa, na nagsiahong mula sa pagpaligo; na bawa't isa'y may anak na kambal, at walang baog sa kanila.
7 Ang iyong mga pisngi ay gaya ng putol ng granada sa likod ng iyong lambong.
8 May anim na pung reina, at walong pung babae; at mga dalaga na walang bilang.
9 Ang aking kalapati, ang aking sakdal ay isa lamang; siya ang bugtong ng kaniyang ina; siya ang pili ng nanganak sa kaniya. Nakita siya ng mga anak na babae, at tinawag siyang mapalad; Oo, ng mga reina at ng mga babae, at pinuri siya nila.
10 Sino siyang tumitinging parang umaga, maganda na parang buwan, maliwanag na parang araw, kakilakilabot na parang hukbo na may mga watawat?
11 Ako'y bumaba sa halamanan ng mga pile, upang tingnan ang mga sariwang pananim ng libis, upang tingnan kung nagbubuko ang puno ng ubas, at ang mga puno ng granada ay namumulaklak.
12 Bago ko naalaman, inilagay ako ng aking kaluluwa sa gitna ng mga karo ng aking marangal na bayan.
13 Bumalik ka, bumalik ka, Oh Sulamita; bumalik ka, bumalik ka, upang ikaw ay aming masdan. Bakit ninyo titingnan ang Sulamita, nang gaya sa sayaw ng Mahanaim.