2 Pedro

1 Si Simon Pedro, na alipin at apostol ni Jesucristo, sa nagsipagkamit na kasama namin ng mahalagang pananampalataya sa katuwiran ng ating Dios at Tagapagligtas na si Jesucristo:
2 Biyaya at kapayapaan ang sa inyo'y dumami sa pagkakilala sa Dios at kay Jesus na Panginoon natin;
3 Yamang ipinagkaloob sa atin ng kaniyang banal na kapangyarihan ang lahat ng mga bagay na nauukol sa kabuhayan at sa kabanalan, sa pamamagitan ng pagkakilala sa kaniya na tumawag sa atin sa pamamagitan ng kaniyang sariling kaluwalhatian at kagalingan;
4 Na dahil dito ay ipinagkaloob niya sa atin ang kaniyang mahahalaga at napakadakilang pangako; upang sa pamamagitan ng mga ito ay makabahagi kayo sa kabanalang mula sa Dios, yamang nakatanan sa kabulukang nasa sanglibutan dahil sa masamang pita.
5 Oo, at dahil din dito, sa pagkaragdag sa ganang inyo ng buong sikap, ay ipamahagi ninyo sa inyong pananampalataya ang kagalingan; at sa kagalingan ay ang kaalaman;
6 At sa kaalaman ay ang pagpipigil; at sa pagpipigil ay ang pagtitiis; at sa pagtitiis ay ang kabanalan;
7 At sa kabanalan ay ang mabuting kalooban sa kapatid; at sa mabuting kalooban sa kapatid ay ang pagibig.
8 Sapagka't kung nasa inyo ang mga bagay na ito at sumasagana, ay hindi kayo pababayaang maging mga tamad o mga walang bunga sa pagkakilala sa ating Panginoong Jesucristo.
9 Sapagka't yaong wala ng mga bagay na ito ay bulag, na ang nakikita lamang ay ang nasa malapit, sa pagkalimot ng paglilinis ng kaniyang dating mga kasalanan.
10 Kaya, mga kapatid, lalong pagsikapan ninyo na mangapanatag kayo sa pagkatawag at pagkahirang sa inyo: sapagka't kung gawin ninyo ang mga bagay na ito ay hindi kayo mangatitisod kailan man:
11 Sapagka't sa gayon ay ipinamamahaging sagana sa inyo ang pagpasok sa kahariang walang hanggan ng Panginoon natin at Tagapagligtas na si Jesucristo.
12 Kaya't magiging handa akong lagi na ipaalaala ko sa inyo ang mga bagay na ito, bagama't inyong nalalaman, at kayo'y pinatitibay sa katotohanang nasa inyo.
13 At inaakala kong matuwid, na samantalang ako'y nasa tabernakulong ito, ay kilusin ko kayo na ipaalaala ko sa inyo;
14 Yamang aking nalalaman na dumarating na madali ang paghiwalay ko sa aking tabernakulo, na gaya ng ipinahiwatig sa akin ng Panginoon nating Jesucristo.
15 Oo, pagsisikapan ko na sa tuwituwi na, pagkamatay ko'y inyong maalaala ang mga bagay na ito.
16 Sapagka't kami ay hindi nagsisunod sa mga kathang ginawang mainam, noong aming ipinakilala sa inyo ang kapangyarihan at pagparito ng ating Panginoong Jesucristo, kundi kami ay naging mga saksing nakakita ng kaniyang karangalan.
17 Sapagka't siya'y tumanggap sa Dios Ama ng karangalan at kaluwalhatian, nang dumating sa kaniya ang isang tinig mula sa Marangal na Kaluwalhatian, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan:
18 At ang tinig na ito ay aming narinig na nanggaling sa langit, nang kami ay kasama niya sa banal na bundok.
19 At kami ay mayroong lalong panatag na salita ng hula; na mabuti ang inyong ginagawa kung ito'y inyong sinusundan, na gaya ng sa isang ilawang lumiliwanag sa isang dakong madilim, hanggang sa pagbubukang liwayway, at ang tala sa umaga ay sumilang sa inyong mga puso:
20 Na maalaman muna ito, na alin mang hula ng kasulatan ay hindi nagbuhat sa sariling pagpapaliwanag.
21 Sapagka't hindi sa kalooban ng tao dumating ang hula kailanman: kundi ang mga tao ay nagsalita buhat sa Dios, na nangaudyokan ng Espiritu Santo.